Tono ni Corona sa impeachment case tablado

TABLADO kay Sen. Antonio Trillanes IV ang tono ni Chief Justice Renato Corona sa nagaganap na impeachment trial sa Senado partikular ang kabila-kabilang interview nito sa media na bumabatikos sa administrasyon.

Ayon kay Trillanes, dapat tumestigo na lamang si Corona sa sarili nitong kaso at magbigay ng mga paliwanag at ebidensiya kung bakit hindi siya dapat matanggal bilang Chief Justice ng Supreme Court.

“Kumbinsihin niya kami kung bakit siya hindi karapat-dapat tanggalin, kung bakit karapat-dapat siyang manatili sa puwesto,”giit ng senador.

Sa ikalawang araw ng pagpapa-interview ni Corona sa media, ibinunyag nito na nakipag-usap daw sa kanya si Sen. Teofisto Guingona III noong nakaraang taon at inalok ang term sharing kay Associate Justice Antonio Carpio subalit tinanggihan niya ito.

Mariin nang itinanggi ni Guingona na inalok niya ng term sharing si Corona bagama’t totoong nagkita umano sila sa bahay nito noong nakaraang taon.

Ibinunyag din ni Corona ang pakikipag-usap niya kay Pangulong Benigno Aquino III kung saan nagtanong umano ito sa binubuo niyang Truth Commission.

Ipinagtanggol naman ni Trillanes ang ginawang pakikipag-usap ni Pangulong Aquino at Guingona kay Corona sa pagsasabing nangyari ito noong panahon na wala pang impeachment complaint laban sa chief justice.

“What’s wrong with it?”diin ni Trillanes.

Sinabi pa ng senador na imbes na guluhin ni Corona ang isyu sa pamamagitan ng pag-ungkat ng hiwalay na miting nila ni Pangulong Aquino at Guingona, ang dapat na lang sanang harapin ng punong mahistrado ay ang kaso nito sa Senate Impeachment Court.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply