Tuloy ang karera

NAALALA niyo pa ba nung pumanaw ang champion rider na si Maico Buncio noong Mayo ng isang taon? Sumunod sa pangyayaring ito ay ang tatlo o apat na hearing ng House Committee on Youth & Sports ukol sa trahedyang sinapit ni Buncio.

Ang hearing na pinangunahan ni Commitee Chairman Rep. Renato Unico Jr. ng Camarines Norte ay dinaluhan ng ama ni Maico na si Mang Yoyong, National Motorcycle Safety & Sports Association (NAMSSA) President Macky Carapiet, Johnny Tan ng Batangas Racing Circuit Association (BRCA), at iba pang mga may koneksyon sa pangyayari kabilang na ang representante ng Aeromed. Dahil sa mga hearing na ito ay nagkaroon ng pansamantalang pagtigil ng karera ng motorsiklo sa lahat ng race track ni Tan.

Ang isyu dito ay ang hindi pagbigay o pag-sanction ng NAMSSA sa mga karera na isinasagawa sa mga race tracks na pag-aari ni Tan. Ang laking suntok nito sa mga karerista natin sa bansa dahil kamamatay pa lang ng kanilang idolo tapos hindi naman sila makatakbo ngayon sa mga karerang ginagawa sa BRCA. Puwede naman silang tumakbo talaga. Pero sa mga rider na tumatakbo sa ibang bansa ay kailangan nilang kumuha ng international racing license o di kaya awtorisasyon sa NAMMSA.

Pag tumakbo sila sa BRCA ay hindi sila bibigyan ng NAMMSA ng nasabing lisensiya o awtorisasyon. At yung iba naman, kahit na hindi tumatakbo sa ibang bansa ay napilitan na ring hindi sumali sa mga karera sa BRCA. Ang BRCA po ang nagmamay-ari ng Carmona Circuit Philippines, Batangas Racing Circuit, Boomland, at Clark International Speedway.

Sa madaling salita, may alitan si Tan at Carapiet na matagal ng magkaibigan at magkasama sa karera ng go-kart noong dekada ’80 at ’90 at hanggang maging race track owner si Tan at NAMSSA president si Carapiet.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit yung mga karera sa labas ng race track katulad sa mga parking lot at mga plaza ay pinahihintulutan o sina-sanction ni Carapiet bilang pangulo ng NAMSSA. Kahit na nung natapos na ang Congressional Hearing at sinabi na ni Rep. Unico na “We cannot stop you from organizing races even in BRCA tracks” ay hindi pa rin nagkakaayos ang dalawa.

Dahil may alitan ang dalawa ay naligaw at naparalisa pansamantala ang mga riders natin sa bansa. At dahil dito ay nabuo ang Underbone and Scooter Racing Association o USRA. Ang bagong grupo na ito ay gawa ng mga rider para sa mga kapwa rider.

Sila ngayon ay may sariling karera sa iba’t ibang parte ng bansa at kahit walang permiso sa NAMMSA dahil hindi naman sila obligadong kumuha ng permit doon. Ang kanilang pangulo ay si Al Camba ng Inside Racing Magazine at ang ibang opisyal ay mga beterano na sa industriya at katulong pa nila ang ilang motorcycle manufacturers at distributors dito sa Pilipinas. Kaya ngayon ay masipag na nag-eensayo uliang ating mga karerista at sa wakas ay nagkabuhay na muli sa underbone at scooter racing community.

Ganunpaman, umaapela pa rin ako sa mga Ginoong Tan at Carapiet na sana’y mag-ayos na upang maka-abante na tayo para sa kapakanan ng nakararami.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply