Two-way traffic sa Makati ipatutupad

BILANG paggunita sa panahon ng Kuwaresma, pansamantalang gagawing two-way traffic ang kahabaan ng J.P. Rizal St. mula Reposo hanggang Makati Avenue mula Marso 26 hanggang Abril 8.

Ayon kay Makati Department of Public Safety Director Herminigildo San Miguel, kailangan nilang gawing two-way traffic ang kahabaan ng J.P. Rizal dahil isasara sa trapiko ang maraming lansangan sa looban nito na paglalagyan ng mga kubol o kalbaryo sa Barangay Poblacion.

Ang mga itatayong kubol ang magsisilbing lugar ng mga deboto upang magdasal ng taimtim at gunitain ang paghihirap ng Mahal na Poong Hesukristo sa panahon ng Mahal na Araw.

Sinabi ni San Miguel na may 20 mga kubol ang ilalagay ng iba’t ibang samahan at grupo ng mga deboto na paglalagyan din ng mga imahe ng mga santo at magsisilbing lugar ng pabasa.

Magkakaroon din ng prusisyon sa Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay na huling araw ng paggunita sa Mahal na Araw.

Inabisuhan naman ng DPS ang mga motorista na sumunod sa itatakdang mga lugar na puwedeng gawing daanan ng mga motorista at tiniyak na magtatalaga sila ng sapat na bilang ng traffic enforcers na mag-aayos ng daloy ng mga sasakyan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply