Ugaling ‘teka muna’ ng LTFRB

DATI nang P8.50 ang pamasahe noong 2008 pero binawasan lang ng 50 sentimos dahil bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo noon.

Siyam na beses nang tumaas ang halaga ng gasolina at diesel mula nitong taong kasalukuyan pa lamang at hindi pa ibinibilang ang ilang beses na oil price hike mula 2008, pero napako na sa P8 ang minimum fare.

Nitong nakaraang linggo, sa pagtatapos ng serye ng pagdinig tungkol sa kahilingan ng mga transport group na kahit ibalik na lamang ang binawas na 50 sentimos halos apat na taon na ang nakalilipas ay okey na rin muna.

Dalawang piso talaga kasi ang hinihirit nila. Pero dahil sa takbo ng usapan ay malabo pa itong aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kahit sapat na bahagi lang ng orihinal na hinihiling ay pwede na rin gaano man kaliit.

Ang kaso, kahit ang kakapiranggot na halaga ay patuloy na ibinibitin-bitin ng ahensya. Kailangan pa umanong pag-aralan ng pamahalaan ang epekto ng dagdag na 50 sentimos sa pasahe sa kabuuang ekonomiya ng bansa.

Kokonsultahin daw muna ng LTFRB ang National Economics and Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (Dole) tungkol dito.

Talaga naman, ‘di ba? Kitang-kita kung nasaan sa listahan ng prayoridad ng LTFRB at buong pamahalaan na ang milyon-milyong ma-mamayang miyembro at pamilya nila sa loob ng sektor ng transportasyon.

Kung may isasagawang ikaaagrabyado ng sektor ay walang kurap ang pagbaba ng desisyon. Kapag ipakikinabang naman ay “teka muna, ‘wag tayong padalos-dalos” ang kanilang sinasabi.

Kung sakaling talagang magpatumpik-tumpik pa rin ang LTFRB at lalo pang palawigin ang napakatagal nang proseso, tiyak na ang karamihan ng mga transport group, kahit ang umiiwas sana sa paraang marahas, ay buong suportang lalahok sa malawakang kilos-protestang matagal nang ibinabanta.

Titigil ang paggalaw ng lipunan. Masisira ang iskedyul ng mga negosyo. Oo nga’t maraming aktibidad ng ekonomiya ang babagal o matitigil.

Kapag nangyari ito, d’yan magkukumahog ang NEDA, DOLE at LTFRB na pag-aralan ang epekto ng isang bagay sa kabuuang kabuhayan ng bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply