Uhaw ‘wag balewalain – DOH

HINDI umano dapat balewalain ng publiko ang uhaw.

Ito ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ngayong pormal nang pumasok ang panahon ng tag-init o summer season sa bansa.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, pinuno ng Emerging and Re-emerging diseases ng DOH, mahalaga na manatiling “hydrated” ang katawan ng isang tao kapag mainit ang panahon upang makaiwas sa heat stroke.

Ipinaliwanag ng health official na mahalaga ring napapalitan ang mga nawawalang tubig sa katawan ng tao para makaiwas sa mga sakit na nakukuha sa ganitong panahon.

Aniya pa, sa halip na softdrinks ay mas makabubuti rin na tubig ang inumin bilang pamatid uhaw dahil mas mainam ito sa kalusugan ng isang tao.

Kabilang sa mga sintomas ng heat stroke ay ang mainit na pakiramdam, namumulang balat, pagkahilo, panghihina at pananakit ng ulo.

Una nang pinag-iingat ng DOH ang publiko sa iba pang sakit na karaniwan kapag summer season, tulad ng mga skin rashes gaya ng pigsa at bungang araw na karaniwang dumadapo sa mga bata at matinding pananakit ng tiyan dahil naman sa sirang pagkain.

Sa panahon kasi aniya ng tag-init ay madaling masira ang pagkain, kaya mahalaga ang tamang pagtatago ng pagkain.

Paalala pa ng DOH na iwasan ang pagbabad sa ilalim ng sikat ng araw, partikular na sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon kung saan pinakamatindi ang sikat ng araw.

Kung hindi naman maiiwasang magbilad ay maaari namang magpahid ng sunblock, gumamit ng payong o sumbrero o balabal bilang panangga sa init ng araw. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply