US $40M para sa NAIA 3

MABUTI naman at kumilos na rin ang pamahalaan para maiangat sa category 1 status ang mga paliparan sa ating bansa.

Kahit kilala sa pagiging parehong kuripot at mahigpit sa pera sina Pangulong Noynoy Aquino III at Transportation Secretary Mar Roxas II ay naobliga na silang gumastos para tuluyan nang ipatapos ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Ayon sa pahayag ni Roxas, inaasahang aabot sa US $40 milyon ang gagastusin ng gobyerno at ibabayad sa Takenaka Group ng Japan para tapusin at maiayos ang mga sira at hindi pa kumpletong bahagi ng paliparan.

Sa totoo lang, talaga namang maganda ang NAIA 3 na puwedeng ikumpara sa ibang paliparan sa ibang mga bansa, pero dahil sa sobrang pulitika rito sa atin ay hindi ito matapos-tapos kaya naman hindi rin mapakinabangan nang husto.

Para sa kaalaman ng ating mga mambabasa, nagsimulang gawin ng Takenaka ang paliparan noon pang 1998 matapos silang piliin ng winning bidder na Philippine International Airport Corp.

Pero bago pa man ito matapos noong 2002 ay nahinto na ang proyekto dahil sa mga alegasyon ng katiwalian at overpricing.

Maayos naman ang kontrata kaya lang nang masipa sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada at mapalitan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay marami ang biglang nagkainteres sa proyekto.

Sa madaling salita, gusto ng mga bagong upong tauhan ni GMA na kumita sa proyekto kaya gumawa sila ng paraan para makibahagi sila sa grasya.

Hanggang sa tuluyan nang iutos ng Supreme Court sa kalagitnaan ng dekadang ito na balewalain ang orihinal na kontratang build-operate-own sa pagitan ng gobyerno at PIATCO.

Sana naman sa pagkakataong ito ay tuluyan nang magawa ang NAIA 3 nang walang bahid ng anomalya para matulungan nitong maiangat sa category 1 status ang mga paliparan sa bansa.

Sa oras na matapos kasi ito, magiging magandang daan ito para umangat ang turismo.

Dahil sa lawak nitong 182,500 metro kuwadrado, kaya nitong pagsilbihan ang may 33,000 pasahero araw-araw o kaya ay  6,000 kliyente kada oras.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply