VAT sa gamot tatanggalin na

NAGHAIN ng isang panukalang batas si Sen. Manny Villar upang tanggalin ang sinisingil na value added tax sa gamot at kauri nito kabilang ang kagamitan at hilaw na materyales na inaangkat upang mabawasan ang pabigat na pinapasan ng mahihirrap sa pagpapagamot.

“Hindi naman talaga dapat na patungan pa ng VAT ang gamot. Dagdag na pahirap po iyan sa mga mahihirap na kababayan natin na may sakit. Kulang na nga ang pambili nila ng pagkain, lalong hindi nila kayang bumili ng mahal na gamot,” ayon kay Villar.

Ayon kay Villar, chairman ng Quality Affordable Medicine Oversight Committee, layunin ng Senate Bill 3163 na allisin sa sakop ng National Internal Revenue Code ang pagbebenta at importasyon ng gamot, medisina at iba pang produktong parmasiyotiko kabilang ang raw materials at pharmaceutical equipment at instrument sa pagpapamanupaktura ng gamot.

Naghain din ng counterpart bill sa Mababang Kapulungan si Las Piñas Rep. Mark Villar partikuklar ang House Bill 6051.

Base sa Family Income and Expenditure Survey ng National Statistics Office, kumakatawan sa 46 porsiyento ng gastusin ng pamilya ang nauubos sa droga at medisina. Sa isang pangkaraniwang mamamayan, gumagastos ito ng P1,136 sa medical care o may kabuuang 3.2 porsiyento ng kabuuang gastusin ng bawat tao. Para sa low income group, umaabot pa sa higit 50 porsiyento ang gastusin.

“The removal of tariffs and VAT on medicines will lead to significant savings for our people and makes healthcare more affordable to every Filipino,” ayon sa nakatatandang Villar.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply