Video clip ng turista vs Pinas wake-up call– CBCP

DAPAT na magsilbing wake-up call sa pamahalaan at mga mamamayan ang ginawang video clip ng isang dayuhang turista hinggil sa pagiging “pangit” na tourist destination ng Pilipinas.

Ito ang reaksiyon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kasunod nang mga puna ng turistang si Jimmy Slexczka hinggil sa aniya’y miserableng lagay ng Pilipinas.

Ayon kay Pabillo, hindi sapat na magalit lamang ang mga Filipino at ituring na “persona-non grata” si Slexczka, isang film instructor ng International Academy of Film and Television, na bumisita sa Cebu City.

Ang marapat aniya ay aksiyunan din ng pamahalaan at mga mamamayan ang mga reklamo ng turista.

Ipinaliwanag ni Pabillo na kung talagang gustong i-promote ang Pilipinas o talagang tama ang slogan na “It’s more fun in the Philippines’ ay dapat aksiyunan ng pamahalaan ang puna ng mga turista tulad ng kawalan ng public toilet sa Cebu City gayundin ang magulong international airport ng bansa.

“Dapat tingnan ng authorities natin kung may katotohanan ang sinasabi, ngayon pa lang ay ayusin na. Marami silang dapat ayusin, mga infrastructure, mga ugali natin,” ayon pa kay Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Para naman kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, totoo at tama ang mga puna ng dayuhang turista kahit masakit tanggapin ito para sa mga Filipino.

Ikinalulungkot naman ng arsobispo na ang mga dayuhan pa ang nakakapuna ng mga pangit sa bansa at hindi ang mga Filipino, lalong-lalo na ang mga opisyal ng gobyerno na siyang nangangasiwa ng kaayusan.

Iginiit pa ni Cruz ayusin ng pamahalaan ang reklamo ng dayuhan.

Kabilang sa mga tinukoy na pangit ng banyaga sa bansa ay ang mga kalsada, pagkain, kakulangan sa palikuran o poor sanitation, pollution, traffic at paglabag sa batas trapiko ng mga Pinoy, na nasaksihan nito sa kanyang pagbisita sa Cebu.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply