World class na freeport, low class na law enforcement

NAPAIILING na lang si Gen. Orlando Madella, head ng Law Enforcement Division (LED) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nang ipakita natin sa kanya ang mga kuha nating larawan ng mga bakod ng Subic Bay Freeport (SBF), partikular sa boundary nito sa mga barangay ng Pag-Asa, Kalalake at East Bajac-Bajac, Olongapo City.

Nakabuyangyang ang wire mesh fences, iyong mga posteng bakal na tubo na pinagkakapitan nito ang tinira ng mga dorobo.

Mas mabigat at mas malaki ang halaga sa bentahan ng mga di tres at di sais na tubo kumpara nga naman sa wire mesh na mabulto pa. Pero ‘di rin patatawarin, sa huli, hindi ligtas ang wire mesh at titirahin rin.

Ang tanawing ito ay malapit sa 14th St. Gate ng Subic Freeport, daanan kapwa ng maraming motorista at pedestrian.

Ani Gen. Madella, kulang siya sa tao pero sinisikap pa rin niyang pa-rondahan ang naturang mga daan. Kaya lang, marunong rin ang mga magnanakaw na tumiyempo.

Paglagpas ng ronda, saka sila titirada, pinong lagareng bakal ang gamit kaya pino rin ang putol.

Humingi na noon sa nakaraang administrasyon ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) si Gen. Madella ng karagdagang tao at sampung (10) sasakyan.

Hindi nagdagdag ng tao, pero sasakyan nagbigay.

Iyon nga lang, sa halip na pick-up, van, jeep o kahit anong may motor na lang, mantakin n’yong sampung (10) kabayo, yes, horse, na kung saan galing ang ibinigay.

Sa awa ng Diyos, ang mga alagaing kabayo, lima na ang dedo. Eh, mas magastos pa sa digas na sasakyan ang mga iyon, saan kukuha ang LED ng panustos eh kulang nga sa budget.

Kapag minsan may nahuhuling magnanakaw ang LED pero mga menor-de-edad naman at dahil sa istupidong batas na ngayo’y umiiral, hindi makasuhan at iniendorso lamang sa Social Welfare saka pakakawalan.

Ito Ang Totoo: sinasadya ang paggamit sa minors para nga lusot sa kaso kapag nahuli.

Ang panukala ni Gen. Madella ay gawin nang konkreto ang bakod, tulad ng sa mga expressway, para hindi na pag-interesan ng magnanakaw. Aprub tayo rito.

At dapat, dagdagan ang budget ng LED. Bigyan din ng mga bagong sasakyan para hindi na nakahihiyang manghuli ng smoke-belchers dahil mismong sasakyan nila ay smoke belching.

Sa State of the Free-port Address ni SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia, kinilala naman nito ang kalagayan ng LED at dapat na pagpapalakas nito.

Ito Ang Totoo: kung nais talagang maging world class at umunlad ang Subic Bay Freeport, kailangan nito ng malakas at mataas ang moral na law enforcers na may sapat na modernong gamit.

Dapat lang.

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply