‘Done deal’ daw na power plant at pambabato ng mga gago

KASING-INIT pa rin ng panahon ngayong summer ang usapin sa Coal Power Plant na balak itayo sa Redondo Peninsula ng Subic Bay Freeport ng RP Energy Inc. (RPEI), isang negosyong pag-aari ng Aboitiz Power, Manila Electric Co. and Taiwan Cogen Corp.

Kasi naman at Ito Ang Totoo: karamihan sa mga taga-Olongapo, Subic at mga locator, investors at residente ng Subic Freeport ay kontra sa Coal Power Plant.

Sa isinagawang Social Acceptability Process (SAP) kamakailan, unanimous pa nga ang paninindigan ng mga dumalo sa pagsuka sa naturang proyekto.

Karamihan ay usaping pangkalusugan at pangkalikasan ang dahilan, samantalang ang iba’y masamang epekto sa negosyo tulad nila JLo, partikular sa turismo.

Sino ba namang turista ang gustong humilata sa beach sa ilalim ng sikat ng araw habang may nakabuyangyang na Coal Power Plant na nagbubuga ng nakalalasong usok, nagkakalat ng toxic na abo at nagpapadumi sa tubig ng dagat.

Mas umiinit ngayon ang usapin dito dahil sa dinami-rami ng samahan, grupo, negosyo at iba pa sa Freeport, Olongapo at Zambales, itong pamunuan pa mismo ng Subic Bay Freeport Chamber of Commerce (SBFCC) ang nagbago ang paninindigan laban dito.

Ito Ang Totoo: ang SBFCC ay may malinaw na paninindigang kontra sa Coal Power Plant noon pang 2008 nang ang pangulo nito ay si John E. Corcoran ng Ocean
Adventure/Camayan Beach Resort.

Ngayon, sa pananalita mismo ng kasalukuyang pangulo nitong si Danny Piano, “done deal” na raw ang pagtatayo ng Coal Power Plant.

Hindi na nakikiisa ang pamunuan ng SBFCC sa pagkontra sa planta gayung karamihan naman sa kakaunting miyembro nila ay nananatiling laban sa itinuturing na sisira sa kalikasang kay ganda ng Subic.

Kung may katinuan lang ang kasalukuyang pamunuan ng SBFCC, kahit interes ng napakaraming hindi nila miyembro na kontra sa power plant ay isusulong at pangangalagaan pa rin nila lalo pa’t makaaapekto naman ito sa lahat.

At dapat pinag-iisipan na rin nina Piano kung bakit marami ang ayaw sumali sa kanila at ang ibang kasali na ay tumitiwalag pa sa SBFCC.

“Done deal” hah, Mr. Piano? O baka naman kayo lang ang may ka-“done deal” dito?

Masusubok ang “Matuwid na Daan” ni Pangulong Noynoy Aquino dahil nakasalalay talaga sa kanyang kamay kung itutuloy o hindi ang planong Subic Coal Power Plant na ito.

Malinaw ang resulta ng Social Acceptability Process: gwwarrrrrrrrrrrkkk! Excuse me sa mga kumakain, isinusuka talaga ang planta. Ito Ang Totoo!

***

Kaugnay ng mga insidente ng pambabato sa mga bus at nagdaraang sasakyan sa mga expressway sa bahagi ng Bulacan, Pampanga, Bataan at Nueva Ecija, tama lang na dagdagan pa ang patrol lalo na ngayong long-weekend dala ng Semana Santa, dagdag pa ang Araw ng Kagitingan.

Pero Ito Ang Totoo: kailangang makipagtulungan rin ang mga local government unit at local law enforcers upang mapigilan o kaya’y mahuli ang mga gunggong na nambabatong ito.

Ang mga nambabatong ito ay walang pakialam sa maaaring mamatay at masisirang kinabukasan ng mga mauulila o mawawalan ng kakayahang maghanap-buhay dahil lamang sa istupidong gawaing wala namang ibubungang mabuti.

Kaya dapat seryosohin ang mga pambabatong ito at pwede ba, kapag may nahuli, ilantad sa madla kung sino-sino at talagang tuluyang patawan ng kaukulang parusa.

Kung may naganap namang insidente at walang salaring nahuli, mahiya naman kayong mga kinauukulan sa pinangyarihan. Dapat sa inyo, magsipag-resign na lang dahil kung hindi kayo tamad ay talagang inutil nga lang. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply