14,000 illegal OFW sa Saudi Arabia lilinisin

NAGSIMULA na naman ang paglilinis ng pamahalaang Saudi Arabia sa mga dayuhang walang kaukulang papeles sa kanilang bansa matapos magsagawa ng paglusob sa mga tahanan ng pinaghihinalang mga undocumented foreign worker.

Sa impormasyong natangggap ng Migrante International sa kanilang sangay sa Riyadh, KSA, may ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang hinuli noong Biyernes, Abril 26, alas-10 ng gabi sa Al Rail Street, nasabing rehiyon.

Kabilang sa mga inaresto ay ang tatlong kababaihang OFWs, kasama na ang kanilang dalawang anak.

Ayon pa kay Mario Ben, tagapangulo ng Migrante-Saudi chapter, nilusob ng mga elemento ng Jawazat at Mutawwa police sa Riyadh ang bahay ng mga OFW at iba pang foreign workers.

Batay sa kanilang pagtataya, aabot sa 14,000 overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang walang legal na papeles.

Sinabi pa ni Ben na hinarangan ng pulisya ang kahabaan ng kalsada upang magbahay-bahay para alamin kung sino-sino ang ilegal at walang kaukulang dokumento.

Kinilala nito ang mga nahuling OFW na sina Marichu de Leon, Josie Lato at ang anak nito na 8 taon; Shiela Coner at anak na 2 taon.

Dinala ang mga hinuling OFW sa deportation jail sa Riyadh, kung saan hindi pinayagan ang mga kasapi ng Migrante na bisitahin ang mga kinulong na OFW.

Nanawagan din ang grupo sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh na tulungan ang mga nahulng OFW upang mabigyan ng kaukulang dokumento para maging legal ang pananatili sa rehiyon.

Ayon pa kay John Monterona, regional coordinator ng Migrante, napilitan ang mga OFW na manatili pa ng matagal sa Saudi kahit na paso na ang mga Igama dahil na rin sa kakulangan ng pagkakakitaan sa Pilipinas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply