16 BI officers sabit sa human smuggling

MAY 16 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa punong tanggapan sa Intramuros, Maynila at sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isasalang sa imbestigasyon ng Department of Justice matapos mapag-alaman na sila ang nag-asikaso sa pag-alis ng mga walang papeles na overseas Filipino worker (OFW) patungong Syria.

Ayon kay Justice Undersecretary Jose Salazar, ang hepe ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), lumabas sa isinagawang panayam sa mga inilikas na OFW mula sa Damacus na hindi na sila dumaan sa immigration departure counter.

Binigyan din ni Justice Secretary Leila de Lima ang mga immigration officer ng tatlong araw upang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong administratibo.

Pansamantala munang hindi binanggit ang mga pangalan ng mga nasasangkot habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Batay sa ginawang panayam ng mga abugado ng IACAT sa mga OFW, 43 porsiyento sa 600 inilikas na manggagawa sa Syria ay pinayagang makalabas ng Pilipinas ang hindi dumaan sa immigration counter sa paliparan, habang 67% naman ang walang dalang overseas employment certificates (OEC) mula sa Philippine Overease Employment Administration (POEA).

Lumabas din sa panimulang imbestigasyon na 95% sa mga inilikas na OFW sa Syria ay maituturing na mga biktima ng human trafficking.

Sinabi pa ni Salazar na ang kautusan ni De Lima ay malinaw na pagpapakita sa hangarin ng kagawaran na mapigilan ang pagkakasangkot ng mga opisyal nito sa human trafficking.

Tiniyak pa ni Salazar na magpapatupad ang konseho ng mga hakbangin upang mapigilan ang pang-aabuso, pangingikil at panggigipit sa mga pambansang paliparan at mapangalagaan ang publiko upang hind imaging biktima ng operasyon ng human trafficking sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply