2 todas, sanggol kritikal sa pamamaril sa Malabon

PATAY ang dalawang lalaki habang kritikal ang isang sanggol nang pagbabarilin ng apat na hindi pa kilalang mga salarin sa Malabon City, kagabi (Abril 8).

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Rene Sabe, 29 ng Flovi Homes, Tonsuya ng lungsod.

Namatay naman habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa ulo si Alfredo Prieto, 21, clown performer ng Lupha compound, Tonsuya.

Inoobserbahan naman sa San Lazaro Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan ang sanggol na babae na si Zaireh Lopez, 11 buwan.

Batay sa ulat, dakong alas-8:30 kagabi, naglalaro ng computer sina Sabe at Prieto sa Flovi Homes 4 nang dumating ang mga salarin at tinawag si Prieto.

Paglabas ni Prieto ay walang sabi-sabing binaril siya.

Lumabas din si Sabe at pinagbabaril hanggang sa tamaan ng ligaw na bala ang sanggol na karga ng naglalakad na lalaki.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga salarin habang dinala naman si Prieto at ang sanggol sa mga nasabing ospital.

Nagsasagawa na nang follow-up operation ang mga pulis upang makilala ang mga suspek.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply