22-anyos kelot niratrat sa tapat ng bahay ng dyowa

PINAGBABARIL hanggang mapatay ng hindi pa nakilalang salarin ang 22-anyos na binata sa harap mismo ng bahay ng kanyang kasintahan kaninang madaling-araw sa Pasay City.

Kausap pa sa cellphone ni Troy Davebren Gerolaga, kahero sa Seaside Market sa Macapagal Avenue at residente ng 1925 M. Orosa St., Malate ang kasintahang si Lady Diane Lopez, 20, upang ipabatid na nasa harapan na siya ng tirahan ng babae nang biglang lapitan ng armadong suspek at barilin nang malapitan.

Sa kabila ng tama ng bala, nagawa pang makatakbo at makasakay sa naghihintay sa kanyang taksi ang biktima subalit sinundan siya ng suspek at inubos ang balang laman ng bitbit na kalibre .45 sa katawan ng biktima bago tumakas paalis.

Sa ginawang imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin ng Investigation Division ng Pasay police, sumakay ng taksing minamaneho ni Rodelio Baylon, 53, ang biktima mula sa isang bar sa CCP Complex at nagpahatid sa bahay ng kasintahan sa Menlo St., alas-5 ng madaling-araw upang sunduin ang babae.

Pagsapit sa tapat ng bahay ng pamilya ni Lopez ay bumaba ng taksi si Gerolaga at tinawagan ang kasintahan upang ipabatid na susunduin na niya ang dalaga nang biglang sumulpot ang salarin.

Sinabi sa pulisya ng dalaga na wala siyang alam na kaaway ang kasintahan sa kanilang lugar kaya posibleng sinundan ng salarin ang biktima mula sa pinanggalingan nitong bar.

Ayon naman kay Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay police, may nakaaway kamakailan ang biktima na kanyang nagulpi kaya aalamin nila kung may kaugnayan ito sa nangyaring pamamaslang.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply