4 Pinay nailigtas sa nightclub sa Malaysia

APAT na Pinay na isinadlak sa prostitusyon ang nailigtas ng awtoridad sa Malaysia, ayon sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ulat ni Philippine Ambassador to Malaysia Ed Malaya, puwersahang pinagtrabaho ang overseas Filipino workers (OFW) sa isang nightclub sa Joho Baru, 220 kilometro ang layo sa Kula Lumpur at malapit sa hangganan ng Singapore hanggang sa masaklolohan ng Malaysian police noong Miyerkules, Abril 18.

Pinasalamatan naman ng embahada ang agarang pagtulong ng pamahalaang Malaysia sa mga nasawing-palad na mga Filipina na galing sa Metro Manila subalit ibiniyahe patungong Zamboanga para isakay naman sa barko patungong Sandakan sa Sabah, Malaysia.

Ayon sa report, pinangakuan ang mga Filipina ng mataas na sahod sa Malaysia ng isang Filipino na itinago sa inisyal na ‘RG.’

Gayunpaman, pagdating sa Sandakan, ipinasa ang mga Filipina sa isang Malaysian national upang ibenta sa mga may-ari ng mga nightclub bilang mga customer service workers o mas kilala sa Pilipinas bilang guest relations officers (GRO).

Nalaman lamang ng mga Filipina na may edad mula 27 hanggang 36 ang kanilang tunay na trabaho pagdating sa Malaysia.

Gayunpaman, matapos ang dalawang linggong pananatili sa Sandakan, walang tinanggap na alok mula sa mga may-ari ng nightclub ang mga Filipina kaya ibiniyahe ang mga ito sa Johor Baru sa West Malaysia noong Marso 29 kung saan inialok sa isa pang Malaysian national.

Ayon pa sa report, itinago ang mga Filipina sa bahay ng may-ari ng nightclub kung saan agad silang pinagtrabaho kinabukasan.

Nakahingi naman ng tulong ang mga Filipina sa Blas Ople Policy Center na nag-alerto sa mga opisyal ng embahada.

Nahuli sa operasyon ang mister ng may-ari ng nightclub, habang patuloy na pinaghahanap ang Malaysian national.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply