43 OFW mula Syria balik-Pinas ngayong araw

NAKATAKDANG dumating ngayong araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 43 overseas Filipino worker (OFW) na nailikas mula sa bansang Syria.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez, pinag-iibayo na ng pamahalaan ang pagpapalikas sa mga naiipit na OFW sa Syria dahil sa lumalalang sitwasyon doon.

Nakatakdang dumating sa ang 39 sa 43 na OFW sakay ng Philippine Airline flight 731 mamayang alas-7:20 ng gabi habang ang natitirang apat naman ay sakay ng Emirates Airlines flight 334 na inaasahang lalapag sa paliparan bandang 10:45 ng gabi.

Ani Hernandez, pito sa mga OFW ay nagmula sa bayan ng Homs, habang ang mga nalalabi naman ay galing sa lungsod ng Damascus.

Sinagot ng International Organization for Migration (IOM) ang pamasahe ng unang bulto ng mga OFW habang ang pamahalaan naman ang umako sa tiket sa eroplano sa apat na OFW.

Pinasalamatan din ng pamahalaan ang IOM sa kanilang pagsisikap na mailikas ang mga dayuhang migrante sa mga bayang nagkakagulo.

“Tayo po ay taus-pusong nagpapasalamat sa ginagawang tulong ng IOM upang mailikas ang mga naiipit na kababayan natin sa Syria,” pahayag pa ni Hernandez.

Umaabot na sa 1,206 na OFW ang nailikas ng pamahalaan sa Syria simula nang ipatupad ang sapilitang ebakwasyon bunsod na rin ng tumitinding kalagayan sa nasabing bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply