5 miyembro ng Dominguez Carnapping group nalambat

LIMANG miyembro ng Dominguez Carnapping group ang nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police sa isinagawang operasyon sa Norzagaray, Bulacan nitong nakalipas na linggo, iniulat ngayon ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District Director chief Supt. Mario Dela Vega ang mga nadakip na sina Salvador Tamuso, Rolando Francisco, Leo Mianon, Louie Clavo at Randy Miano.

Ayon kay Dela Vega, nadakip ang mga suspek sa kanilang hide out sa Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan noong Biyernes (Abril 13, 2012).

Nakumpiska sa mga suspek ang mga piraso ng sasakyan na tsinap-tsap na umano’y kinarnap.

Idinagdag pa ni Dela Vega, ang mga dinakip na miyembro ng notoryus na grupo ay sangkot sa serye ng carnapping at carjacking sa Metro Manila.

Nabatid pa sa ulat, na nadakip ang lima matapos maaresto ang isa pang kasamahan nila na si Alexander Manalastas dahil sa kasong illegal possession of firearm nitong nakalipas na Abril 10, 2012 (Martes) sa Tala Police station sa Caloocan City.

Inireklamo ang mga suspek ng isang William Cayanan ng Sta. Monica, Novaliches, Quezon City, may-ari ng 2005 Mitsubishi Adventure na umano’y tsinap-tsap ng grupo matapos karnapin.

Ayon pa kay Dela Vega kahit nakapiit na sa kulungan ang Dominguez Brothers ay patuloy pa rin umanong nakakapag-operate ang mga ito dahil sa mga bagong recruit na miyembro sa kanilang grupo.

Nahaharap ang lima sa kasong carnapping habang si Manalastas naman ay nahaharap sa kasong estafa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply