Ang tunay na kahulugan ng population survey

UMABOT na sa mahigit 92 milyon ang populasyon natin matapos madagdagan ng 15 milyon ang mga Pinoy nitong nakaraang 10 taon.

Ang bilang ay base sa resulta ng census na isinagawa ng National Statistics Office noong nakaraang taon.

Lumabas sa survey na umangat sa 92.3 milyon ang ating populasyon na mas mataas ng 15.83 milyon kumpara sa 76.51 milyon noong 2001.

Sasabihin siguro nang  ilang walang pakialam na kababayan natin na “eh ano ngayon ?”

Sa totoo lang ay hindi ko masisisi ang marami sa mga kababayan natin lalo na iyong wala namang nabago sa buhay o mas lalo pang naghirap makaraan ang sampung taon.

Ang dami nang paliwanag ng NSO tungkol sa kung ano-anong mga dahilan kung bakit dumami ang populasyon, gaya halimbawa ng 1.90 porsiyento ang increase nang bilang natin kada taon.

At sa lahat ng rehiyon sa buong bansa, ang Calabarzon (Region 4-A) ang may pinakamaraming mamamayan na umaabot sa 12.61 milyon na sinundan ng National Capital Region na may 11.86 milyon.

Gaya ng resulta ng ibang survey, puro numero lang naman talaga ang makikita ng sinomang titingin dito at karamihan sa nakaiintindi roon ay iyon din mismong mga nagsagawa ng survey.

Mainam lang sa mga pulitiko at mga economic planner ang resulta ng mga census dahil ginagawa nila itong basehan hinggil sa isasagawa nilang mga proyekto at programa.

Pero para sa milyon-milyong tao na naghihirap at siya mismong naging subject ng survey ay wala silang pakialam sa resulta nito.

Hindi nga nila iniisip kung ano ang mangyayari bukas dahil ang importante sa kanila ay kung ano ang nangyayari sa kanila ngayon.

Meron ba silang trabaho, disenteng bahay na tinutulugan, pagkain sa mesa, pag-aaral ng kanilang mga anak at iba pa?

Iyan ang mga tanong na mas nais mabigyan kasagutan ng ating mga kababayan.

Hangga’t wala namang nababago sa kanilang buhay tungo sa pag-unlad ay sigurado akong wala silang pakialam sa resulta ng survey na iyan sa populasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply