Attn: DOJ Sec. Leila de Lima

FISCAL pa rin ang tawag ng marami sa mga prosecutor at ang Prosecutors’ Office ay tinatawag pa ring Fiscals’ Office.

Ito Ang Totoo: prosecutor man o fiscal ang itawag, pareho pa rin ang trabaho nito, ang usigin o labanan ang nasasakdal ng kasong kriminal.

Kakampi ng prosecutor ang nagrereklamo at kung walang pribadong abogado ito, siya na mismo ang abogado nito.

Katunayan, bago maging kaso o maisampa sa korte, dumaraan muna ang reklamong kriminal sa Prosecutors’ Office na sumasala kung may batayan ang reklamo o wala.

Kapag wala, sa Prosecutors’ Office pa lang idi-dismiss na. Kapag may batayan naman ang reklamo sa tingin ng Prosecutors’ office, isasampa ito sa korte na magtatakda ng piyansa, kung bailable, at dinirinig sa kaso upang matukoy kung may sala o wala ang akusado ng walang pagdududa – “beyond reasonable doubt,” ‘ika nga.

Dahil ang kanilang tanggapan na mismo ang tumukoy at nag-pasya na isampa ang kaso sa korte, dapat panindigan ito ng prosecutor na itinalaga at ilaban ng sabayan upang mapatunayan ang kasalanan ng inakusahan.

Dito sa Olongapo ay may isang batang prosecutor na tila bahag ang buntot na makipagbalitaktakan sa korte kaya walang pakundangang nakahandang isuko sa kalaban ang reklamo ng naagrabyado.

Dahil lang sa hindi naka-attend ang kanyang dapat ay ipinag-tatanggol na nagreklamo, payag agad ito na idismis ang kaso dahil puwede naman daw i-file uli makalipas ang isang taon.

Hahayaan na lang i-dismiss ang kaso at magreklamo na lang ulit makalipas ang isang taon? Akala ko matatalino ang mga abogado, lalo na kapag ang abogado ay naging fiscal o prosecutor na, pero itong katwitrang ito ay katwirang aasahan mo lang sa kung hindi tanga ay gago.

Kaya nagrereklamo ang naniniwalang siya ay naagrabyado ay upang matamo ang katarungan.

Kung ganyan ang katwiran ng dapat sana’y tagapagtanggol ng naagrabyado kahit magpitpitan ng ano, ng kuwan, kawawa ang mamamayang umaasang matatamo ang katarungan sa pamamagitan ng ligal na paraan.

Mabuti na lang at makatarungan naman ang judge ng sala na pinagdidinigan ng kasong hawak ng prosecutor na ewan at hindi nito pinayagang i-dismis ang kaso ng gano’n-gano’n na lang.

Dapat siguro tingnan ni City Prosecutor Emily Delos Santos ang ganitong gawi ng kung sino sa kanyang assistant prosecutors.

Mas maganda kung may order na rin si Dept. of Justice Sec. Leila de Lima para siguradong masisita ang mga asal na kagaya ni prosecutor kuwan, ano, ah, basta: Ito ang Totoo!

o0o

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply