P.5M ng 60-anyos biyuda nilimas sa Las Piñas

TINATAYANG mahigit P.5 milyon halaga ng cash, alahas at mamahaling gamit ang natangay ng mga miyembro ng “Akyat Bahay Gang” nang samantalahin ang pagbabakasyon ng isang 60-anyos na biyuda at looban ang bahay nito sa Las Pinas City.

Kahapon lamang ng gabi natuklasan ni Imelda Coico ang nangyaring pagnanakaw nang dumating sa kanyang tirahan sa #6 Narra St., Phase 7 Gatchalian Subdivision, Manuyo 2, dakong alas-6:30 ng gabi nang datnang nakabukas na ang pintuan ng kanyang tirahan.

Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Las Pinas Police chief Sr. Supt. Romulo Sapitula, kabilang sa natangay ng mga suspek ang P310,000 halaga ng mga alahas, P50,000 cash, dalawang lap top computer na nagkakahalaga ng P78,000, MSI Notebook na may halagang P20,000 at iba pang mga personal at mamahaling gamit sa loob ng silid ng biktima.

Ayon kay PO3 Gilbert Curaza ng Investigation Division ng Las Piñas Police, umalis ng kanyang bahay si Coico noong Biyernes Santo upang magbakasyon sa kanilang lalawigan.

Napag-alamang puwersahang sinira ng mga suspek ang bakal na kinalalagyan ng air condition sa silid ng biktima at doon dumaan papasok sa loob ng bahay.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply