Bahay ng Banco Filipino owner pinasok, 3 utas

PATAY ang tatlong security detail kabilang ang isang aktibong pulis nang pagbabarilin ng may pitong armadong kalalakihan na nanloob sa compound ng may-ari ng Banco Filipino sa Las Piñas City nitong Sabado ng hatinggabi.

Kinilala ang mga napaslang na sina security guard David Maguira, retired SPO2 Melvin Padaca at PO3 Luisito Macatunao, ng Police Security and Protection Group (PSPG) sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa kanilang ulo.

Sa inisyal na ulat ng Las Piñas Police, dakong 11:30 kagabi nang maganap ang krimen sa loob ng compound ng bahay ni Bobby Aguirre, kilalang may ari ng Banco Filipino, sa Pablo Roman St., Tropical Avenue, BF International, naturang lungsod.

Nabatid kay Las Piñas Police Chief S/Supt. Romulo Sapitula, nasilip nila ang closed circuit television (CCTV) ng kapitbahay ng mga Aguirre at nakita ang pagpasok ng isang motorsiklo, pagdating ng isang taxi at dalawa pang kotse subalit hindi gaanong nakita ang plaka ng mga sasakyan.

Dahil dito, posible aniyang nasa anim hanggang pito ang bilang ng mga nanloob sa bahay ng negosyante.

Lumalabas naman na maaaring hindi pagnanakaw ang pakay ng mga salarin dahil sa nagmamadali rin namang tumakas ang mga ito at walang kinuha sa bahay ng mga Aguirre.

Hindi rin makapagbigay ng impormasyon ang pulisya kung target ng mga salarin si Aguirre at kung nasa loob ng bahay ito nang maganap ang pagpasok ng mga armadong salarin.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at pagtukoy sa motibo.

Inaalam din kung may kaugnayan ito sa pagsasara ng Banco Filipino noong Marso 17, 2011 matapos na magdeklara ng “bankruptcy”.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply