Baril-barilan at ligal na laban sa Tsina

SA huling balita, hindi na lamang surveillance ships at pangisdang barko ng Tsina ang nakita sa Scarborough o Panatag Shoal.

May isa nang malaking gunboat ang Tsina.

Panggiyera ang barko.

At may katapat na ang ating BRP Gregorio del Pilar na may mga kanyon din.

May ibig sabihin nito.

Parehas na seryoso ang dalawang bansa sa kanilang claim na teritoryo nila ang mga nasabing isla.

HIGANTE ANG TSINA

Walang magagawa ang Pinas kung giniyera ito ng Tsina dahil dito. At lalong walang magagawa ang Pinas kung ito ang maunang maglunsad ng giyera.

Kasi naman, wala man lang itong eroplano na pandigma.

May helikopter ito pero baka hindi na makababalik sa pagkaubos ng gasolina nito sa pagpunta pa lamang sa lugar. Karamihan pa ay lumilipad na kabaong dahil pinulot lang ang mga ito mula sa junk shop galing sa Vietnam war.

Itong navy naman natin ay paisa-isa ang mga barko.

At ang masakit, sakit na yata ng mga ito ang maubusan ng diesel o bunker fuel kaya nababalaho sa dagat.

Ang mga coast guard naman natin ay napakaliliit ang mga bangkang pampatrulya.

Baka mauna pang lumubog ang mga ito sa kaunting sama ng panahon kaysa ang bangkang papel na pinalulutang sa palanggana o sapa.

Sa kabilang banda, ang Tsina ay may mga eroplano, barko at iba pang mga armas na kasinlalakas ng armas ng Kano at Ruso.

Sa dami rin ng kanilang mga sundalo, umihi lang ang mga ito, eh, baka malulunod na ang mga navy at coast guard.

Wala talaga tayong binatbat, mga Bro.  Hanggang baril-barilan lang tayo.

NASAAN SI UNCLE SAM?

Ang tanging pag-asa ay ang tulong ni Uncle Sam, ng mga Kano.

Sila ang nagbenta sa atin ng barkong BRP Gregorio del Pilar na hinukay rin mula sa junk shop.

Sila rin ang nagbebenta sa atin ng mga armalayt.

Sila rin ang nagbebenta sa atin ng mga galing sa junk shop din na mga helikopter.

At noong may lumilipad pa tayong mga fighter plane, galing din sa kanila iyon. Tora-tora ang tawag sa mga eroplano na iyon.

Pero ang meron sa mga Kano ay ang pakikipagkasundo nila sa atin na magtulungan ang Pinas at Estados Unidos kung may giyera na kasasangkutan ng isa’t isa.

Kaya nga, nagpadala ang Pinas ng sundalo noon sa Korea, sa Vietnam at sa Iraq.

BINGI AT PIPI

Ngayon nga ay nakaamba ang boksing ng Tsina at Pinas sa Scarborough Shoal.

Sa kabila nito, nakabibingi ang katahimikan ng mga Kano.

Siguro, bingi sila at bulag pa sa patutsadahan ng Tsina at Pinas kaya wala sila ni isang reaksyon.

Pero ang tiyak yata, eh, walang maaasahan ang Pinas na tulong sa oras ng giyera.

Wala ni duling na Kano ang maipadadala rito sa atin para tumulong laban sa mga Tsino.

Ngayon, nakahahalata na ba kayo, mga Bro?

May exercise, ngayon, balikatan exercise.

Pero ang target lang naman yata ay yung mga hindi sumasang-ayon sa katulad ng binabanggit natin ngayon.

Anak ng tokwa, ano ba yan?

DAPAT WALANG GIYERA

Kahit kailan, ayaw natin ang giyera.

Lahat dapat ay daraanin sa diplomasya at mabuti at mapayapang pag-uusap.

Kahit pa mayroon tayong malakas na puwersa militar na pupuwedeng ipantapat sa Tsina.

Kasi kapag may giyera, mauubos ang mga pondo para sa kagalingan ng mamamayan, magugulo ang ating buhay at magkakaroon ng maraming patayan.

Hindi magiging normal ang ating pamumuhay kung puro na lang paglalamay ang ating gagawin at mababalitaan din nating ganito rin ang nagaganap sa Tsina.

IDAAN SA UNITED NATIONS

Dahil ayaw nating magkagiyera sa Pinas lalo’t napakalapit lang ang Scarborough Shoal sa atin at gusto natin ang mapayapa at mapanatag ang relasyon sa ibang bansa, kumikilos na ang gobyerno ni

Pangulong Noynoy Aquino para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa United Nations.

Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, may karapatan tayo sa Scarborough Shoal  na magmay-ari nito.

Ito’y dahil sa sakop ito ng 200 mile exclusive economic zone ayon sa UNCLOS.

Isasampa ng Pinas ang reklamo laban sa Tsina para madesisyunan ng internasyonal na hukuman ang kaso.

May problema nga lang.

Paano kung ayaw makipag-cooperate ang Tsina.

Pupuwede bang magdesisyon ang kaukulang hukuman ng

UN PABOR SA PINAS?

Sapagkat mahirap talagang magdesisyon ang hukuman nang hindi nagpapasakop ang kalaban.

Sa kasong kriminal, saka lang pupuwedeng magdesisyon ang korte kung parehas na nagpakita ang magkalabang panig.

Problema kung wala ang idinemanda kaya naa-archive ang kaso.

PAGPAPAKITA NG PAMAHALAAN

Halimbawa namang magiging kaso ang agawan at parehas na magpasakop sa hukuman ang Pinas at Tsina at nanalo ang una sa kaso.

Paano paiiralin ng Pinas ang kontrol at pag-aari sa mga isla makaraan?

Eh wala nga tayong puwersa para bakuran ang mga isla nang tuluyan at itayo ang bandila ng Pinas doon.

Kung hindi kasi gagawin ito, magpapatuloy, mga Bro, ang pagdating ng mga mang-aangkin sa lugar at maaaring hindi na Tsina ang susunod na kalaban.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-tex sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply