BI execs gugulong ang ulo sa ‘lifestyle check’

TIYAK na dadamputin sa ‘kangkungan’ ang ilang opisyal sa Bureau of Immigration (BI) oras na simulan ng Office of the Ombudsman ang pagsasagawa ng ‘lifestyle check’ sa mga ito, kasunod ng mga balitang ‘pera-pera’ sa pagtakas ng isang puganteng Korean national na pinaghahanap ng batas sa South Korea.

Ayon sa mapagkakatiwalaang impormante mula sa tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, hinihintay na lamang nito ang isusumiteng report ng Department of Justice (DOJ) upang gawin basehan sa isasagawang ‘lifestyle check’ sa mga nasasangkot na opisyal at tauhan ng kawanihan.

Sinabi pa ng source, ‘muto propio’ o inisyatiba ng tanggapan ang pagsasagawa ng ‘lifestyle check’ sa mga opisyal at tauhan ng kawanihan, bunsod na rin ng kautusan ni Pangulong Benigno Aquino III kay Justice Secretary Leila de Lima na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing usapin.

Dinagdag pa ng source na tungkulin ng Ombudsman na magsagawa ng ‘lifestyle check’ sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Aquino laban sa katiwalian sa burukrasya.

Aniya, umabot na sa kaalaman ni Morales ang mga anomalyang nagaganap sa loob ng kawanihan.

Bagama’t hindi pinangalanan, inaasahang isasalang sa ‘lifestyle check’ ang limang senior immigration officials na ‘kumita’ sa pagpuga ni Kim habang nasa ‘hospital arrest’ sa Saint Luke’s Hospital.

Kabilang dito ang isang opisyal na nakabili sa halagang P11 milyon ng isang mamahaling modelo ng Bavarian Motor Works AG o mas kilala sa tawag na BWM.

Bubusiin din ng Ombudsman ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa taong 2009, 2010 at 2011 ng mga nasasangkot na opisyal at empleyado upang malaman kung nagkaroon ng ‘discrepancies’ sa yaman ng mga nito kumpara sa tinatanggap na mga sahod at bonus bilang mga taga-paglingkod sa taumbayan.

Magsasagawa rin ng ‘background check’ sa mga nasasangkot na opisyal at empleyado ang mga imbestigador ng Ombudsman.

Nauna nang sinabi ni DOJ special panel head at Quezon City Chief Prosecutor Donald Lee na ibinigay na nila kay De Lima ang resulta nang isinagawang imbestigasyon sa pagtakas ni Kim habang ginagamot sa St. Luke’s Hospital noong Disyembre 24, 2011.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply