Bombo Radyo reporter todas sa ambush

SA LOOB mismo ng minamanehong media patrol service vehicle, pinagbabaril ang driver/reporter ng Bombo Radyo sa South Cotabato kaninang madaling araw.

Bagama’t ang lapit-lapit sa pinangyarihang lugar, hindi pa rin naisalba ng mga doktor ng South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) dahil makalipas ang isang oras ay namatay na rin ang biktimang si Rommel “Jojo” Palma, 31-anyos, binata dahil sa tinamong dalawang tama ng bala sa leeg.

Blangko pa ang Koronadal City PNP, ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong lalaki na lulan sa isang walang plakang motorsiklo na siyang umambus kay Palma.

Sa ulat sa Camp Crame, naganap ang pamamaslang dakong alas-4:00 ng madaling araw habang ang biktima ay nasa drivers seat ng minamanehong media patrol service vehicle at nakaparada sa tapat mismo ng SCPH.

Ayon kay Rey Legario, Bombo anchorman/reporter, iniwanan niya si Palma sa kanilang sasakyan para kumuha ng istorya sa loob ng SCPH.

Pero ilang sandali pa lamang siya sa loob ng ospital, ay dalawang magkasunod na putok ng baril ang umalingawngaw kaya napalabas siya ng gusali at doon nakitang basag na ang windshield ng kanilang sasakyan at nakitang nakahandusay at duguan na si Palma.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply