Bonggang party ni Erap tatapatan ni CGMA

MAKARAANG maudlot ang naitakdang pagdiriwang ng kaarawan ni dating Pangulo, ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo, nakatakda naman nitong tapatan ang bonggang party kagabi ni dating Pangulong Joseph Estrada bukas ng umaga sa loob ng Veterans Memorial and Medical Center (VMMC) kung saan siya naka-hospital arrest.

Ito ay makaraang pahintulutang muli ni Pasay Regional Trial Court Judge Jesus Mupas ng Branch 112 ang panibagong hirit ng kanyang abogadong si Atty. Benjamin Santos na inihain noong Huwebes ng umaga na magtakda ng party si Gng. Arroyo.

Gayunman, sa halip na alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon tulad ng unang inaprubahan ng korte, hanggang walong oras lamang ang ibinigay na pahintulot ni Mupas, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, kasabay din ng ika-15 taong paggunita sa kamatayan ng kanyang amang si dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Hindi rin sa covered court sa loob ng VMMC gagawin ang party kundi sa PNP control area malapit lamang sa Presidential Suite kung saan nakaratay ang dating pangulo.

Sa ginanap na pagdinig kanina kaugnay sa hirit naman na makapaghain ng piyansa ang dating pangulo, sinabi ni court researchef Felda Domingo na itinakdang muli ng hukom ang pagdinig sa Abril 26.

Kanina ay tinutulan din ni Comelec prosecutor Atty. Maria Juana Valeza ang hirit ng kampo ni Gng Arroyo na dalhin na lamang sa VMMC ang biometric machine makaraang ibasura ng korte ang hiling ng dating pangulo na makapunta siya sa kanilang lalawigan sa Pampanga upang makapag-biometric registration.

Sinabi ni Valeza na hindi na kinakailangan pa ng dating pangulo na magpa-biometric registration dahil dati naman na rin siyang botante sa kanilang distrito sa Pampanga at kumandidato at nagwagi pa nga bilang kinatawan sa kongreso sa kanilang distrito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply