Business ops resiliency zone na ang Subic at suspensyon ng ‘Gapo PNP CD

NAGKANDA-LETSE-LETSE ang maraming negosyo noong maganap ang malakas na paglindol na sinundan ng dambuhalang tsunami sa Japan nitong nakalipas na taon.

Bukod sa pisikal at aktwal na pagkasira ng mga gusali at imprastraktura, nangawala rin ang maraming datos at records na napakahalaga sa pagpapatuloy ng mga negosyo.

Ito Ang Totoo: kapag nawala ang negosyo, hindi lang may-ari ang naperhuwisyo bagkus nawawalan din ng trabaho ang mga tao at kapag nangyari ito, pati ekonomiya ng bayan o bansa ay apektado.

Kaya maganda itong hakbang ng kasalukuyang board ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pangunguna ni Chairman & Administrator Roberto V. Garcia sa pamamagitan ng isang resolusyon na nagtatalaga sa Subic Bay Freeport Zone bilang “Business Operations Resiliency Zone.”

Ito ang isa sa mga unang isinulong na panukala ni Director Benjamin “Bubong” E. Antonio III nang italaga ni Pangulong Noynoy Aquino bilang miyembro ng SBMA Board.

Ibig sabihin, ang Subic Freeport ay pwede nang “fallback” o puntahan ng mga negosyong nasalanta ng anomang sakuna, mapa-lindol, tsunami, baha, sunog, bomba, at marami pang iba, para maging temporary headquarters kahit pa magunaw ang gusali ng negosyo nila.

Katunayan at Ito Ang Totoo: magagawa ito kahit hindi pisikal na dumayo sa Subic ang mga negosyo dahil ang siste nito, ang lahat ng impormasyon o datos kaugnay ng operasyon ng negosyo ay para lamang naka-bangko at ma-a-access mula kahit saang panig ng bansa o mundo.

Ito ay posible na ngayon dahil inilunsad na ang Vitro Data Center ng PLDT Alpha Enterprise sa Subic.

Kahit tamaan ng intensity 8 earthquake ang Subic, kahit magka-tsunami, kahit magbaha gaya ng nagyari noong bagyong Ondoy sa Maynila, tuloy ang negosyo kahit saang panig pa kayo ng mundo dahil ang data center ay nakadisenyong mag-survive sa mga pagkakataong tulad nito.

***

Bukod sa National Press Club at ALAM (Alab ng Mamamahayag), pumosisyon na rin ang NUJP (National Union of Journalists of the Philippines) laban sa umano’y pangha-harass ni Olongapo Police City Director Christopher Tambungan sa isang local correspondent ng Pilipino Star Ngayon na si Randy Datu.

Nananawagan ang NUJP na habang iniimbestigahan si Tambungan ay suspidihin na muna ito upang hindi maka-impluwensiya o maging balakid sa totohanang  imbestigasyon.

Mukha namang wala talagang maaasahang aksyon mula kay Olongapo Mayor Bong Gordon, bagkus, at Ito Ang Totoo: inipon na naman niya ulit nitong Miyerkules ang mga department heads ng pamahalaang lungsod sa dati ring mamahaling resort sa Subic Freeport kung saan kunwari may Strategic Planning (StratPlan) para sa bayan eh iyon pala, pulitika at paghahanda sa 2013 halalan ang pinag-uusapan.

Pera na naman ng bayan ang nilustay para sa sariling interes pulitika lamang? Ano ba naman iyan, pakapalan na lang?

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply