CGMA babasahan na ng sakdal bukas

NAKATAKDANG basahan ng sakdal ng Sandiganbayan si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng $329-million ZTE-NBN deal, bukas (Abril 11).

Kasama ring babasahan ng sakdal ang asawa nitong si Atty. Mike Arroyo, at sina dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos at dating Transportation Secretary Leandro Mendoza.

Gagawin ang arraignment sa anti-graft court’s 4th Division na pamumunuan ni Associate Justice Gregory Ong.

Direktang isinampa sa Office of the Ombudsman ang plunder case laban sa dating Pangulong Arroyo kaugnay sa kontrobersiyal na $329 million national broadband network (NBN) deal.

Mismong nagtungo sa tanggapan ng Ombudsman para maghain ng nasabing kaso sina Bayan Muna Parylist Rep. Teddy Casiño, Gabriela Rep. Liza Maza at Maria Carolina Pagaduan Araullo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ito na ang ikalawang plunder case na isinampa ng grupo laban kay Pangulong Arroyo, nauna na ang kasong Graft and Corruption sa Department of Justice na iniatras din para maiakyat sa kasong plunder.

Matatandaang, unang isinampa ng grupo ang kaso sa Department of Justice (DOJ) subalit ayon kay Casiño, sa halip aksyunan ang reklamo ay ipinasa ng DOJ sa nabuwag ng Truth Commission ang kanilang complaint.

Umaasa naman ang mga complainant na sa bagong pamumuno ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay maaksyunan na ng korte ang kaso.

Maliban sa nasabing transaksyon, may nakabinbin pang kasong plunder si Arroyo kaugnay naman sa maling paggamit ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), pag-divert sa fertilizer funds at maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office
(PCSO).

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply