China tiwalang ‘di makikialam ang US sa Scarborough issue

KUMPIYANSYA ang pamahalaang China na hindi manghihimasok ang Estados Unidos sa alitan nila sa Pilipinas hinggil sa pagmamay-ari sa kontrobersiyal na Scarborough Shoal o Panatag Shoal.

Ayon kay China Foreign Ministry spokesman Liu Weimin, umaasa ang kanilang bansa na hindi makikialam ang Amerika sa sigalot ng dalawang bansa.

Sa pahayag na lumabas sa China government portal, www.gov.ch kahapon (Martes, Abril 24), sinabi ni Liu na sa pangkahalatan, karamihan sa mga bansa ay hindi pumuposisyon sa usapin ng teritoryo ng ibang bansa.

Ginawa Ni Liu ang pahayag makaraang sabihin ni Foreign Affair Assistant Secretary Raul Hernandez noong Lunes na pormal na idudulog ng Pilipinas sa Estados Unidos ang usapin sa Scarborough Shoal sa pagkikita nina DFA Secretary Albert Del Rosario at Defense Secretary Voltaire Gazmin kina US State Secretary Hillary Clinton at US Defense Secretary Leon Panetta sa gaganaping “2+2 meeting” sa Abril 30.

Tiniyak din ni Liu na hindi hahadlangan ng China ang ’freedom of navigation’ sa Scarborough Shoal habang pinangangalagaan ng kanilang bansa ang soberenya sa Huangyan Island (Panatag Shoal sa Pinas).

“There have been no problems concerning freedom of navigation in the South China Sea,” ayon pa kay Liu, bilang reaksyon sa naging pahayag ni Del Rosario.

Ayon pa sa tagapagsalita ng China’s Foreign Ministry, ang Pilipinas umano ang nagpadala ng warships sa Scarborough Shoal at puwersahang sumampa sa mga fishing vessel ng China para magsagawa ng pagsisiyasat.

Ito umano ang naging puno’t dulo ng tensyon sa pinag-aawayang isla na nagdulot umano ng pangamba sa kaligtasan ng kanilang mamamayan.

Ipinagdiinan pa ni Liu na may historical at legal basis ang kanilang pagmamay-ari sa Huangyan Island at nakabatay ito sa batas ng mundo.

Inihayag pa ni Liu na kailanman ay hindi umalma ang Pilipinas sa pagmamay-ari ng China sa isla hanggang noong 1997, matapos na sabihin umano na ang Scarborough Shoal ay labas sa teritoryo ng Pilipinas.

Aniya, nilabag ng Pilipinas ang international law nang ma-‘misinterpret’ ang nilalaman ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at gamitin ang terminong “200-nautical-mile Exclusive Economic Zone” upang mapahina ang pag-aangkin ng China sa pinag-aawayang grupo ng mga islang hugis trianggulo.

Sinabi pa ni Liu na ang wala umanong basehan pag-aangkin ng Pilipinas Sa Scarborough Shoal at ito umano ang dahilan kung bakit lumalala ang sitwasyon sa area sa kasalukuyan.

Aniya, hindi magiging maganda para sa Pilipinas na palalain pa umano ang tensyon, hindi lamang sa nasabing isla, kundi maging sa buong South China Sea.

“Chinese government will continue to firmly safeguard its territory sovereignty,” pangako pa ni Liu.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply