Contingency plan sa QC para sa Semana Santa inilatag

INATASAN na ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista si department of public order and safety (DPOS) chief Gen. Elmo DG. San Diego na maghanda ng contingency plan upang tugunan ang anumang emergency at aberyang pampubliko ngayong darating na Semana Santa.

Pangkaraniwan na kapag ganitong okasyon ay nahihirapan ang publiko sa pagbiyahe na naaantala dulot ng trapiko at iba pang kadahilanan.

Bukod dito, nalalagay din sa peligro ang kanilang kaligtasan bunsod naman ng paglaganap ng krimen sa kalsada at mga kaguluhang pakana ng mga nais samantalahin ang pagdagsa ng mga tao sa transport terminals.

Anang alkalde, dapat na maging handa ang pamahalaang lungsod sa anumang maaaring mangyari at dapat na gumawa sila ng hakbang upang matiyak na magiging ligtas ang publiko sa isang buong linggo ng pagninilay-nilay ngayong Lenten Season.

Tumalima naman si San Diego sa kautusan ni Mayor Bautista at nagsimula na siyang magtalaga ng may 500 DPOS personnel na magbabantay sa mga pangunahing lansangan at bangketa, gayundin sa mga MRT/LRT stations, mga simbahan at bus terminals.

Layon ng nasabing hakbang na mapanatili ang kaayusan at magandang daloy ng trapiko at mamatyagan na rin kung may hindi kaaya-ayang mangyayari at pagbabanta mula sa mga masasamang elemento at grupo.

Nakikipagtulungan ang DPOS sa QC Police District, Metro Manila Development Authority (MMDA), QC Red Cross, barangay officials at iba pang civilian organizations para maayos na maipatupad ang naturang programa.

Ang QCPD naman ay magtatalaga rin ng secret marshals na magbabantay laban sa mga kriminal na mambibiktima ng mga pasahero sa mga bus at mga dyipni.

Bumuo na rin ng office skeletal workforce ang DPOS para mag-asikaso sa sistematiko at epektibong proseso ng komunikasyon sa hanay ng mga operatiba ng nasabing departamento.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply