Criminals in tandem

ITO ang dapat na ginagamit na salita sa mga suspek sa krimen na nakasakay sa motorsiklo. Hindi ang RIDING IN TANDEM na gamit na gamit at gasgas na gasgas na sa mga pahayagan maging sa radio at telebisyon. Kadalasan ngayon, basta’t nakakita ka ng magka-angkas sa motorsiklo ay nababahala ka na at baka sila’y mga kriminal at ikaw ang target.

Kawawa naman ang mga mag-asawa, magkapatid, mag-ama at pati na rin ang mga magkaibigan na gusto lang mamasyal o makatipid sa pamasahe o gasolina kaya sila nag-aangkasan na lamang.

Hindi po lahat ng RIDING IN TANDEM ay kriminal. Dahil sa paggamit ng salitang ito ng mga pulis pag humaharap sa media ay iyan na rin ang ginagamit ng ibang manunulat at brodkaster pati na rin mga ilang opisyal ng gobyerno.

Maging ang sarili kong ina ay naging negatibo na rin ang impresyon sa mga nag-aangkasan.

Isa pa, bakit kapag nakamotorsiklo lang naaangkop ang salitang ito? Hindi ba kahit naka-apat na gulong ang ginagamit ng dalawang tao ay riding in tandem pa rin naman yon? At lahat ba ng krimen ay kagagawan ng isa o dalawang taong nakamotorsiklo? Alam naman natin na ang mga kriminal ay madalas nakakotse rin, nakasakay sa bisikleta, o naglalakad lamang. Yung mga naglalakad nga ay di pa rin mahuli minsan.

Kay dami ng naglabasang mga panukala tungkol sa paggamit ng motorsiklo pero tila hindi nauunawaan ng ibang mga opisyal ang panig ng mga rider. Ang kukulit ninyo. Bakit ba hilig niyong pinahihirapan ang mga mamamayan tuwing nahihirapan kayong manghuli ng tamang suspek?

Sana’y maunawaan rin ito ng ibang mamamahayag at makatulong ko kayong baguhin ang di magandang impresyon ng salitang RIDING IN TANDEM.

*****

“Traffic management should not be the sole job of the government.” Iyan ang sabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino.

Sa ilalim ng Metro Traffic Watch Program ay hihilingin nila ang tulong ng mga lokal na pamahalaan tulad ng mga barangay officials pati na rin ng civic organizations, at mga homeowners association na makipagtulungan sa pag-aayos ng daloy ng trapiko sa kani-kanilang lugar. Pati mga opisyal ng mga paaralan, residente, mga estudyante at mga traffic engineer ay kokonsultahin muna ng MMDA para pagusapan kung paano maisaayos ang daloy ng trapiko.
Pagkatapos nito ay magtatalaga sila ng community traffic aides at sasailalim sila sa traffic enforcement training sa MMDA Traffic Academy sa Sta. Mesa, Maynila bago sila maging deputized traffic enforcer.

Maging epektibo kaya itong community-based system na ito? Sana naman. Dahil ang tingin ko ay madadagdagan lang ang korupsyon o kotong at mga maaangas na traffic enforcer. Di rin ako sang-ayon sa mga estudyante na isali sa ganitong neighborhood watch. Mabuti pa ay ipagpatuloy nila ang pag-aaral at baka kung ano pa ang matutunan nila pag sila’y naging deputized traffic enforcer.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply