Dagdag pensyon sa war veterans, pinag-aaralan na

PINAG-AARALAN na ng Malakanyang ang pagdaragdag sa pensyon ng war veterans.

Sa ngayon ay kailangan munang linisin ang listahan ng mga ito upang maalis ang mga patay na beteranong sundalo at mga peke.

“It’s something that we are really seriously studying because definitely we owe to the war veterans this nation’s eternal gratitude,” ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda.

Sa isang text message mula kay Budget Secretary Florencio Abad, sinabi ni Sec. Lacierda na ang pamahalaan ay labis na nangamba sa ulat na may bogus pensioners na nananatili sa nasabing listahan.

“Isa po ‘yan sa pinag-aaralang hakbang ng pamahalaan. Pero bago po isasagawa ito kailangang linisin ang listahan ng mga beterano. Marami pa pong mga pekeng beterano o ‘di kaya mga matagal nang yumaong beterano ang patuloy na nakakatanggap ng pension katulad ng naulat kailan lang,”ani Sec. Lacierda.

Matatandaang nang gunitain sa pangunguna ni Pangulong Aquino ang ika-70 Araw ng Kagitingan ay sinabi nito na nilinis na ng pamahalaan ang listahan ng pensioners.

“Nilinis na rin po ang mga talaan ng mga pensyonado nating kababayan, upang masigurong ang pera ay nakakarating sa dapat nitong hantungan,” aniya pa rin.

Simula pa noong Marso 31, naging eligible ang veterans para sa health services sa 599 ospital sa buong bansa na accredited bilang regional o provincial extension ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Ang health services aniya na sagot ng VMMC ay cataract operations, coronary angiogram, at cardiac bypass.

Samantala, inatasan naman ni Pangulong Aquino ang Direct Remittance Pension Servicing System na tulungan ang mga beterano na matanggap ang tamang halaga ng kanilang pensyon sa tamang oras.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply