Derek Ramsay nasilaw sa pera

SINABI noon ni Derek Ramsay na mag-iisip siya ng sampung beses bago magdesisyon kung mananatili sa ABS-CBN o lilipat sa TV5. Nag-usap-usap pa sila ng kanyang pamilya tungkol sa bagay na ito na hindi man lang daw hiningi ng mga ito ang presensya ng kaniyang manager at ang sarili nitong desisyon. Naakusahan pa ngang papa’s boy ang aktor dahil imbes sa manager daw makinig, sa kanyang ama ito tumatango.

Sa hinahaba-haba man daw ng usapan ng pamilya ng boyfriend ni Angelica Panganiban sa paglipat din pala mauuwi. At tila hindi naman daw nag-isip ang balbonic actor. Nang operan nang malaking halaga hayan at sinunggaban agad.

Malinaw ang pahayag ni Sir Bong (Osorio) sa kanyang press statement: “For months, ABS-CBN has exerted efforts to make him stay as a Kapamilya. TV5, however, offered him an amount that was difficult for him to refuse. We thank Derek for the many years he has been with ABS-CBN,” sabi ng Corporate Communications Head.

Hindi rin kataka-taka ang paglipat na ito ng may edad ng aktor dahil noon pa bino-broadcast ng mga ibong tiririt ng TV5 na sasampa nga raw sa bakod nila ang una. Maging ang madaldal na si Willie Revillame ay panay din ang tsuwariwap di ba?

Anyway, aminin man sa hindi ni Derek, talagang nasilaw siya sa malaking halagang talent fee na ibibigay sa kanya ng Singko. Sabagay, career-wise maaaring masilat siya dahil katulad ng mga umalis sa ABS at lumipat sa ibang istasyon ay pawang nawalan ng kinang, sa katulad niyang gurang na, dapat ngang pagkaperahan na ang isipin n’ya dahil sa ayaw at gusto niya konting panahon na lang sisipain na siya sa kangkungan ng mga batang aktor.

Gayunman, kahit wala na sa star network si Ramsay, gagawa pa rin siya sa Star Cinema ng pelikula dahil kung hindi kami nagkakamali ay dalawang taon pa ang kontrata niya sa nangungunang movie outfit na ‘to sa bansa.

***

Susunod ba si Angelica kay Derek?

HABANG nagkukumahog sa kanyang pag-alsa balutan ang aktor ay lumayas naman si Angelica Panganiban sa araw mismo nang mag-decide ang BF nito na umalis na sa Kapamilya.

Patungong Vietnam ang dalaga kasama si John Lloyd Cruz para sa kanilang shoot ng Star Magic movie. Sa April 9 ang balik nila sa Pilipinas.

Sa tanong na kung lilipat din ba si Angelica sa Channel 5, ewan natin. Ang alam natin, sobrang in-love ang aktres sa kanyang kasintahan. Kung susundin n’ya ang kanyang puso, maaaring sumunod s’ya. Pero kung isip ang gagamitin n’ya alang-alang sa kanyang magandang career at wala siyang paki kung makabingwit man ng bagong chick ang kanyang babaerong BF sa ibang bakuran, good for her.

***

Awitin ni Paula Bianca most requested sa FM stations

MULA umaga hanggang gabi ay parati naming naririnig na umaalingawngaw sa himpapawid ang awitin ni Paula Bianca na “Napakasakit Naman” na komposisyon ni Vehnee Saturno. Paborito itong tugtugin sa mga FM stations dahil sa demand ng kanilang mga listeners. Most requested song nga ito. Bagama’t ilang buwan na rin itong umeere dahil October last year pa ito una naming narinig sa mga istasyon ng radyo ngunit hanggang ngayon ay mainit pa itong pinatutugtog.

Ang first self-titled album na ito ni Paula ay kinapapalooban ng limang all-original Filipino music na ginawa lahat ni Vehnee. Tatlo rito ang revival at dalawa ang awitin na kinompose ng magaling na kompositor para sa dalaga, ang mga ito ay ang sumusunod: “Problemang Puso,” “Napapaluha,” “Napakasakit Naman,” “Miss Na Miss Kita” at “Parting Time.”

***

Para sa inyong mga opinyon at reaksyon, tumawag lamang o mag-text sa #09074582883 at #09351851227 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoon.com at maaari n’yo rin kaming silipin sa aming Facebook account, i-type lamang ang aming pangalan. Mabalos!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply