Desisyon ng SC sa HLI ipatutupad ng M’cañang

IPATUTUPAD ng Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Hacienda Luisita na pag-aari ng mga Cojuangco.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, tungkulin ng pamahalaan na ipatupad ang anumang desisyon ng Supreme Court (SC).

Matatandaang humirit ang mga magsasaka at mga obispo kay Pangulong Benigno Aquino III na iutos sa mga kinauukulang ahensya na madaliin ang pamamahagi ng mga lupain.

Aniya, hindi na kailangang utusan ng Pangulo si DAR Sec. Gil de los Reyes dahil ginagawa na nito ang kanyang trabaho at kung anuman ang kailangan para sa mga magsasaka.

Sinabi pa rin niya na alam ng mga nakakaintindi sa agrarian reform na hindi magiging madali ang pamamahagi ng mga lupain.

Pinanindigan din ni Sec. Lacierda na itikom ang kanyang bibig sa pagkomento sa naging desisyon ng korte sa valuation ng lupain dahil utos ito sa kanila.

No comment din ang naturang opisyal na magbigay ng kanyang saloobin kaugnay sa press release ni SC Spokesman Midas Marquez at gusto nilang mabasa ang eksaktong resolusyon.

Nauna rito, ayon kay Farm Workers Agrarian Reform Movement-Hacienda Luisita lawyer Christian Monsod, dismayado siya at ilang sektor dahil sa hanggang ngayon ay nanahimik si Pangulong Aquino sa naging desisyon ng Korte Suprema na pumabor sa mga magsasaka at hindi sa pamilya Cojuangco na nagmamay-ari ng hacienda.

Ayon kay Monsod, sa halip na batiin ng Pangulo ang mga magsasaka at utusan ang mga ahensiya ng gobyerno na tulungan ang mga magsasaka ay minabuti naman nitong manahimik sa usapin.

Sa ulat, kinalampag ng ilang arsobispo ng Simbahang Katoliko si Pangulong Aquino na kaagad ipatupad ang naging desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Tinuran ni Cebu Archbishop Jose Palma, presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na malaking tagumpay sa agrarian reform program kapag naipamahagi na sa mga magsasaka ang bahagi ng lupain ng Hacienda Luisita.

Idinagdag ng arsobispo na matagal nang hinihintay na makamit ng mga magsasaka ang katarungan at karapatan nilang makapagmay-ari ng lupaing sakop ng repormang agraryo na isinulong ni dating Pangulong Cory Aquino, ang pumanaw na ina ni PNoy.

Nitong Martes, nagpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda ng tamang kabayaran sa halos 5,000 hektaryang lupain ng Hacienda Luisita na ipamamahagi sa mahigit 6,000 benepisaryong magsasaka.

Maliban kay Palma ay umapela rin sina CBCP-NASSA chairman Bishop Broderick Pabillo at CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs chairman Caloocan Bishop Deogracias Iniguez kay Pangulong Aquino na plantsahin na sa lalong madaling panahon ang pamamahagi ng lupa.

Subalit, inihayag ng pamahalaan na posibleng abutin pa ng anim na buwan hanggang isang bago maipamahagi ang lupain matapos maberipika ang mga benepisaryo.

Para naman kay Pabillo, ang usapin ng Hacienda Luisita ay magsisilbing halimbawa kung gaano kaseryoso ang pamahalaang Aquino na ipatupad ang batas sa repormang agraryo.

Umaasa siya na gamitin ng pangulo ang kanyang kapangyarihan upang maipatupad kaagad ang desisyon ng Korte Suprema.

Sinabi naman ni Bishop Iniguez na tungkulin ng pangulo na mapanindigan ang diwa ng batas para sa mahihirap na magsasaka.

Pinuri nila ang mga mahistrado ng SC na naninindigan para sa kapakanan ng mga magsasaka.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply