Desisyon ni PNoy sa Scarborough Shoal tama

ISANG tunay na lider ng bansa ang ipinakita ni Pangulong Noynoy Aquino matapos magdesisyon para sa patuloy na pakikipagdayalogo at patuloy na paghahain ng protesta ang puwede lamang gawin ng bansa sa usapin ng Scarborough Shoal.

Ito ang ugali ng pinunong may malasakit sa bayan dahil isinaalang-alang niya muna ang kapakanan ng kanyang mamamayan at estado.

Hindi kasi birong digmaan at gulo ang ating kahaharapin kung ginawa ni PNoy ang pakikipag-kompronta sa mga Intsik sa naturang lugar na malapit lamang sa Zambales dahil alam naman nating wala tayong kalaban-laban sa puwersa ng China.

Sa kahit anong usapin daanin ay talo ang Pinas sa mga Intsik kaya’t tumpak lamang ang ginagawa ng kasalukuyang liderato dahil wala tayong kapasidad na makipagsabayan sa China lalo’t sa usapin ng pakikidigma.

Wala tayong salapi at kagamitang pandigma, maging moderno o luma ay wala tayong panlaban.

Sa usapin ng dami ng sundalo ay wala rin tayong binatbat dahil sangkatutak ang mandirigmang Intsik.

Sabi nga ng isang kulokoy sa kalye, ‘pag tayo’y inihian ng mga Intsik tiyak na mangalulunod lahat ang Pinoy dahil bilyon ang populasyon ng China.

Lider na honest, nag-iisip at nag-aanalisa ang katangian ni PNoy kaya’t dapat natin siyang samahan dahil tuwid at tamang daan ang ibibigay niya sa sambayanan.

oOo

Tama rin ang mungkahi ni PNoy na ang ASEAN na lamang ang magdikta ng isang posisyon sa Spratlys.

Alam din naman kasi ng Pangulo na kapag nagsama-sama ang mga bansa na miyembro ng ASEAN na may kinalaman sa Spratlys ay lalakas ang kanilang puwersa.

Saludo naman sa panukala ni PNoy ang ASEAN leaders dahil naniniwala ang mga ito na sa diplomatikong pamamaraan lamang mareresolba ang usapin.

Pakatandaan po natin na walang nananalo sa giyera dahil buhay ng tao at pagbagsak ng ekonomiya ng estado ang laging naaapektuhan nito.

Ang importante sa ngayon ay patuloy ang pag-uusap at walang kumikilos nang mapangahas dahil sa isang maling desisyon ay buhay at kinabukasan na ng tao ang nakataya.

oOo

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply