DFA may kondisyon bago makipag-usap sa China

PAPASOK lamang ang Pilipinas sa diplomatikong pag-uusap sa China upang matapos na ang tensyon sa Scarborough Shoal at kung sasabihin ng Chinese embassy sa pamahalaan nito ang tunay na kaganapan sa pinagtatalunang isla.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sakali mang magkaroon ng bagong pag-uusap para tapusin na ang standoff sa pinag-aawayang Panatag Shoal, ang anumang napagkasunduan o hindi napagkasunduan ay dapat makarating ng tama sa Chinese government sa Beijing.

Sinabi pa ni DFA Assistant Secretary Raul Hernandez, ang anumang ibibigay na pahayag ng Chinese embassy sa kanilang pamahalaan ay dapat nakabatay sa tunay na kaganapan sa pinagtatalunang isla, gayundin kung anuman ang napagkasunduan at hindi napagkasunduan ng dalawang bansa.

Ayon pay Hernandez, bagama’t nais ng Pilipinas na matuloy na ang pag-uusap, dapat tiyakin ng embahada ng China sa Maynila na ang anumang napag-usapan ay dapat makarating sa kanilang pamahaaan nang walang labis at kulang.

Ginawa ng tagapagsalita ng kagawaran ang mungkahi kasunod na rin ng maling paghahatid ng balita ni Chinese Ambassador Ma Keqing sa Chinese government.

Ayon pa kay Hernandez, nagkamali si Ma nang sabihin nito sa kanilang pamahalaan na nagkasundo na ang Pilipinas at China na alisin ang kani-kanilang barko sa pinag-aawayang islang malapit sa Zambales.

Aniya, walang ganoong kasunduan dahil patuloy pa ring pinag-uusapan ang nasabing paksa, at ang napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China ay iwasan gumawa ng anumang bagay na makakadagdag sa tensyon sa nasabing isla.

Gayunpaman, aminado rin si Hernandez na hanggang sa ngayon ay wala pa silang nakukuhang sagot mula sa embahada hinggil sa nasabing mungkahi.

Una nang naganap sa Maynila ang pag-uusap ng dalawang bansa noong Abril 16 sa pagitan nina Ma at DFA Undersecretary Erlinda Basilio at nasundan ito noong Abril 18 sa Beijing sa pagitan naman nina Philippine charge d’ affaires Alex Chua at ng isang vice minister ng Foreign Affairs ng China.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply