DOH sa publiko: ‘Wag maligo sa Pasig River

KASUNOD ng pahayag ng PAGASA na inaasahang lalo pang pang iinit ng temperatura sa bansa ngayong pagpasok ng buwan ng Mayo, mahigpit namang nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasang maligo sa Pasig River kahit pa gaano kainit ang panahon.

Ito’y bunsod ng posibilidad na makakuha ng maraming sakit ang mga residente mula sa maruming tubig ng ilog.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), kahit pa gaano kainit ang panahon ay hindi dapat na matukso ang mga mamamayan na maligo sa Pasig River dahil nananatiling polluted ang tubig ng ilog.

Aniya, ilan lamang sa mga sakit na maaaring makuha mula sa Pasig River ay diarrhea, cholera, typhoid fever, Hepatitis B, respiratory diseases, dehydration at allergies.

Bukod dito, nanganganib rin umanong dapuan ng sakit na encephalitis ang mga taong maliligo sa ilog, partikular na ang mga bata, na dala ng mga parasites na maaaring pumasok sa kanilang ilong, mata at bibig habang sila’y nakababad sa maruming tubig.

“We urged them not to swim there (Pasig river) because they can get sick when exposed to dirty water,” ayon kay Tayag.

Kaugnay nito, hinimok pa ng health official ang publiko na magtungo na lamang sa mga pampublikong swimming pool at doon magbabad sa tubig ngayong summer.

Una nang sinabi ng PAGASA na inaasahang lalo pang iinit ang panahon ngayong buwan ng Mayo at maaari umanong pumalo ang temperatura ng mahigit sa 36 degree Celsius.

Maging ang Manila City Government ay una na ring nagbabala sa mga mamamayan laban sa paliligo sa maruming tubig ng Manila Bay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply