Fire volunteers pinakakasuhan ni Binay

INIATAS ni Makati City Mayor Junjun Binay na sampahan ng kaukulang kaso ang grupo ng fire volunteers na lumusob sa harapan ng isang presinto noong Huwebes Santo upang humingi ng hustisya sa pagkasawi ng isa nilang kasamahan.

Kinondena rin ni Mayor Binay ang aniya ay anarkiya na nangyari nang lusubin ng may 100 fire volunteer ang PCP-3, ginasgasan at binutas ang gulong ng police car at binomba ng tubig ang harapan ng presinto habang pinatutunog ang sirena ng dalang fire trucks.

“Hindi namin kukunsintihin ang iresponsableng aksiyon na kanilang ginawa. Iginagalang namin ang kanilang karapatan na maglabas ng sama ng loob subalit dapat ay sa maayos na paraan at walang mapeperhuwisyo.” ayon kay Binay.

Dagdag pa ng alkalde, ang ginawa ng mga fire volunteer ay hindi lamang paglapastangan sa kanilang police precinct kundi paglapastangan sa buong lungsod.

Napag-alaman na mahigit 20 fire trucks, 15 motorsiklo at ilang mga sasakyan ang unang lumusob sa Central Fire Station bago nagtungo sa PCP-3 upang ihingi ang hustisya ang kanilang kasamahan na si Ronald Infante na napatay ng mga pulis sa isang enkuwentro noong Abril 1.

Napagkamalan umano si Infante, ang isa pang kasamahan na si Gerry Alamon na holdaper matapos ireklamo ng driver ng LBC van kaya’t napatay matapos na umano’y makitang armado ng baril ang dalawa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply