Gobyerno nanindigan sa Scarborough

NANINDIGAN ang Pilipinas na handang depensahan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang teritoryo ng bansa mula sa mga nangangahas na umangkin nito.

Ito ang tiniyak ni Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario matapos mauwi sa deadlock ang negasasyon ng Pilipinas kay Chinese Ambassador Ma Keqing.

Ayon kay Del Rosario, nakahanda ang Pilipinas sakaling magkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng bansa at China kaugnay tensyon sa Scarborough Shoal sa South China Sea.

Naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos mahuling iligal na nangingisda ang walong Chinese vessels sa West Philippine Sea.

Ani Del Rosario, nakausap na niya si Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing at kanyang iginiit na sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang Scarborough Shoal.

Pero kinontra ito ng China at iginiit na pag-aari nila ang bahagi ng Scarborough kaya dapat umalis ang pwersa ng Pilipinas doon at tigilan na ang iligal na mga aktibidad.

Sinabi naman ni Del Rosario na malinaw na naaktuhan ang mga Chinese na iligal na nangingisda sa teritoryo ng Pilipinas at natuklasang naglalaman ng corals, giant clams at mga buhay na pating ang walong Chinese fishing vessel.

Batay sa isinasaad sa International Law, sakop ng Pilipinas ang Scarborough Shoal kaya nakahanda ang Philippine Navy na ipagtanggol ang karapatan ng bansa dito.

Sa ngayon, napaliwanagan na aniya si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa sitwasyon at nais nito nang isang mapayapa at diplomatikong solusyon sa problema.

Tiniyak naman ni Philippine Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama na patuloy na nakaantabay ang BRP Gregorio del Pilar para siguruhing nababantayan ang teritoryo ng Pilipinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply