Heat wave sa buwan ng Mayo ibinabala

POSIBLENG makaranas ng sobrang init ng panahon sa pagpasok ng buwan ng Mayo ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon kay PAGASA weather forecaster Connie Rose Dadivas, hihigit pa sa 36.4 degrees Celsius ang magiging temperatura ng panahon pagdating ng Mayo.

Aniya, ilan sa mga dahilan ng sobrang init ay ang global warming at La Niña effect.

Dagdag pa ni Dadivas, nasa 36.5 degrees Celsius ang pinakamataas na temperaturang naitala noong Mayo nang nakaraang taon, ngunit dahil nga sa climate change, pwedeng pumalo pa sa 38 hanggang 40 degrees F.

Dahil dito, ipinapayo ni Dadivas na painumin ng maraming tubig ang mga bata at mga matatanda upang hindi ma-dehydrate.

Ayon naman sa tala ng Department of Health (DOH), dumarami ang bilang ng mga naoospital dahil sa atake sa alta presyon at dehydration.

Karamihan sa mga inaatake at namamatay ay ang mga nakatatanda.

Ang mga bata naman umano na nade-dehydrate ay agad nakababawi, ngunit delikado kung muli silang made-dehydrate dahil pwede na nilang ikamatay.

Ipinapayo ng DOH na ang lahat ay uminom ng tubig na hindi bababa sa 12 baso kada araw upang agad mabawi ang nawalang tubig sa katawan dahil sa sobrang pagpapawis.

Ayon naman kay Dadivas, posible ring makaranas ng mga pag-ulan sa ikatlong linggo ng Mayo, kaya hindi naman masyadong magtatagal ang kalbaryo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply