Hepe ng fire volunteers at ang Makati Police

PINUNO o hepe ng grupo ng Fire Volunteers si Ronald Infante na niratrat ng ilang miyembro ng Makati City Police nitong nakaraang Abril.

May sarili siyang dalawang firetruck na nakabase sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, Manila na pinangangasiwaan at ginagamit laban sa mga sunog kahit saan.

Sayang nga lang at inakala ng mga bagitong pulis-Makati na si Infante, 31-anyos at isang Aklanon ay isang holdaper na gustong bumiktima sa isang delivery van ng LBC sa sakop ng Makati.

Inilibing si Infante nitong nakaraang Sabado at naiwan nito ang kanyang pamilya at mga ka-volunteer na humihingi ng hustisya.

SINAGI NG LBC VAN

Sa ulat na ating nakalap, mga Bro, sinagi sila ng isang LBC van habang naglalakbay sila sa isang kalsada sa Makati.

Kaya naman ginusto nilang habulin ang van habang sakay sila ng motorsiklo.

Pero dala ng kamalasan, naamoy sila ng mga bagitong pulis-Makati at walang tanong-tanong na niratrat si Infante at ang kanyang kasama.

Namatay nga si Infante at grabe namang nasugatan ang kanyang kasama.

MAKATI POLICE BINOMBA

Dahil sa inis sa pangyayari, nagprotesta ang nasa 300 fire volunteers sa harapan ng Makati Police makaraan ang pamamaslang.

Binomba nila ng tubig ang police station bilang simbolo ng protesta.

Nagalit naman umano si Mayor Junjun Binay.

Tinawag naman ng mga pulis na seditious umano ang ginawa ng mga volunteer.

Eh sa sedition, pupuwede kang mabilanggo nang habambuhay kung mapatutunayan kang nagkasala.

SEDITION VS PAGPATAY

Ang ilang tanong ngayon: makatwiran bang kasuhan ng sedisyon ang mga lumahok sa protesta?

Okay lang ba na tapatan ng kasong sedisyon ang kasong pamamaslang ng isang tao?

Saan patutungo ang hidwaang ganito?

FIRE VOLUNTEERS ‘DI SUMAKLOLO

Bahagi ng protesta ng mga fire volunteer ang hindi pagsaklolo sa isang sunog na naganap sa Makati makaraan ang pangyayari.

Ilang bahay ang natupok, ilang pamilya ang nawalan ng tahanan at siguro magiging iskwater sa ilang panahon?

Masusundan pa ba ang ganitong mga aksyon na posibleng gagantihan naman ng mga politiko at pulisya ng Makati?

REKORD NG CCTV SINIRA

Nadugtungan pa, mga Bro, ang problema nang pinipilit umano ng mga pulis na dalhin ang CCTV na doon naka-record ang pangyayari.

May nagsabing nagtagumpay na sirain ng mga pulis ang record.

May nagsasabi namang tinangka ng mga ito na sirain iyon ngunit hindi sila nagtagumpay.

MGA SANGKOT NADAGDAGAN

Dahil sa pangyayari, nadagdagan ang sangkot sa krimen. May mga opisyal umanong kasama na sa pagtatakip sa mga pulis na sangkot sa pagpatay.

Dalawang patrol car ang nagkatulong na tumira kina Infante.

Sa pagtatakip sa mga pulis na namaril sa pamamagitan ng pagsira sa CCTV record, nadamay na ang mga opisyal.

DILG, PNP DAPAT NANG MAKIALAM

Sa takbo ng mga pangyayari, magandang makialam na ang opisina nina Interior and Local Government Secretary  Jesse Robredo at PNP chief Nicanor Bartolome.

Sa usaping administratibo, dapat na pagpahingahin kaagad ang mga pulis na sangkot.

Alisan muna sila ng kapangyarihan na gumala sa lugar, kasama na ang mga hepe ng mga ito na sangkot sa problema sa CCTV.

Alisan din ang mga ito ng kapangyarihang  humawak sa mga ebidensya at paghawak sa kaso.

Dapat ipasa ang lahat ng mga trabahong ito halimbawa sa Criminal Investigation and Detection Group o sa National Bureau of Investigation.

PATAS AT HINDI BIASED NA KASO

Matitiyak lamang ang katarungan sa kaso sa maingat at patas na pagtrato ng mga kinauukulan sa lahat ng mga sangkot.

At kabilang na nga sa patas na pagtrato sa pagbibigay sa ibang ahensya ang imbestigasyon dito.

Kasama na ang pagsuspinde sa trabaho ng mga sangkot na pulis upang hindi magamit ng mga ito ang kanilang kapangyarihan na pakialaman ang mga testigo at ebidensya sa kaso.

Kapag hinayaan na hawakan pa rin ng Makati police ang kaso, hindi maiiwasan ang pagdududa ng nasa kabilang panig mula sa simula hanggang sa katapusan.

HUKUMAN MADADAMAY

Kung hahayaan ang Makati police na sila ang mag-imbestiga, mangalap ng mga ebidensya at magsampa ng kaso sa piskalya laban sa kanilang mga kabaro, tiyak na mababahiran ang kaso ng pagdududa.

At lalong magkakaroon ng pagdududa kung halimbawang ma-acquit ang mga police.

Yan ay kung hindi daraanin sa amicable settlement ang buong kaso.

HINDI DAPAT TULARAN

Maganda kung magpursigi ang pamilya ng mga biktima na ikasa ang kaso sa hukuman.

Sakaling mapatunayang nagkasala ang mga sangkot na pulis, magiging halimbawa ang mga ito sa iba na nagiging utak-pulbura sa paggampan ng kanilang tungkulin.

Magiging babala ang kaso sa mga gumagamit ng baril nang hindi muna nag-iisip at hindi gumagamit ng kahinahunan kahit pa sa mainit na sitwasyon.

oOo

Anomang reklamo ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply