Hirit na piyansa ni Abalos bitin na naman

MULI na namang nabimbin ang hirit ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr. na makapagpiyansa sa kasong electoral sabotage matapos hilingin ng tagausig kanina sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) na hintayin muna ang resolusyon ng Comelec en banc kaugnay sa mosyon ng kanilang pangunahing testigo na tumayo bilang testigo at hindi bilang akusado.

Kinatigan naman ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112 ang hiling ni Atty. Maria Juana Valeza na hintayin ang resolusyon ng Comelec en banc na magsasagawa ng deliberasyon bago nila iharap bilang testigo si dating North Cotabato provincial election supervisor Atty. Yogie Martirizar.

Hindi naman nagustuhan ni Atty. Abraham Constante Espejo, abogado ni Abalos ang muling pagkakabimbin sa hirit na makapagpiyansa sa paniwalang nayuyurakan ang karapatan ng kanilang kliyente sa matagal nang pagkaantala ng hinihinging pansamantalang kalayaan.

Naniniwala si Abalos na isa na namang taktika ng prosekusyon ang naturang hakbang upang muling mabimbin ang dapat sana ay pansamantala na niyang paglaya dahil walang maiharap na testigo na magpapatunay ng akusasyon laban sa kanya.

Sa panig naman ni Atty. Nena Santos, abogado Martirizar, handa nilang dalhin hanggang Korte Suprema ang usapin upang kuwestiyunin ang hindi pagpayag ng Comelec na maging state witness ang kanyang kliyente sa paniwalang may nangyaring sabwatan sa nangyaring dayaan noong 2007 elecction na dapat panagutan ni Abalos.

Naniniwala si Santos na ang kanyang kliyenteng si Martirizar at maging si dating South Cotabato provincial election supervisor ang maituturing na least guilty lalo na at wala silang kapangyarihan na makapag-imprenta ng orihinal na kopya ng Certificate of Canvass na iprinisinta bilang ebidensiya.

May hinala si Santos na hindi talaga papayagan ng Comelec na ma-etse puwera sa kaso sina Radam at Martirizar dahil maraming commissioner ang umano’y sasabit sa kaso sa oras na mabuko kung sino ang nagbigay ng pahintulot na makapag-imprenta ng orihinal na kopya na ginamit sa dayaan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply