Huwag mag-panic sa rocket launch ng NoKor

BAGAMAT nakatatakot isipin na posibleng magkaroon ng malaking epekto sa ating bansa ang paglulunsad ng North Korea ng long-range missile ay nanawagan naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Pilipino na huwag mag-panic.

Isa kasi sa lumalabas na ulat na ang paglulunsad ng North Korea ng rocket launch ay isang nuclear test na labis na ipinag-aalala ng South Korea at iba pang bansa sa Asia at maging sa buong mundo.

Ayon naman sa CBCP, huwag masyadong mataranta ang mga Pilipino dahil posible umanong hindi maapektuhan ang ating bansa ng gagawing rocket launch ng North Korea katulad na lamang ng kinatatakutang pagbagsak ng Skylab Satellite noong 1970’s.

Isa sa mga pumipigil sa plano ng North Korea na maglunsad ng rocket launch ay ang United States of America (USA) dahil isa umano itong paglabag sa UN Security Council Resolution at denuclearization agreement noong Pebrero 29, 2012.

Lumalabas din sa intelligence source ng Yonhap news agency na nakabase sa South Korea, naghahanda umano ng palihim ang North Korea sa pagsasagawa ng nuclear test at sinasabi lamang ng mga ito na satellite ang kanilang pakakawalan.

Hindi natin alam kung ano ang katotohanan sa sinasabi ng North at South Korea at ang tanging magagawa na lamang natin ngayon ay mag-ingat at magdasal upang makaligtas tayo sa posibleng maging epekto ng rocket launch na ito.

May mga mangingisda nga tayong kababayan ang labis na tumututol sa paglulunsad ng North Korea ng rocket launch dahil maging sila ay maaapektuhan ng apat na araw kung saan ay pansamantalang pinagbawalang pumalaot ang mga ito.

Hinihinala kasi na posibleng tumama sa karagatang nasasakupan ng Pilipinas ang debris ng pakakawalang rocket na sinasabing sinlaki ng refrigerator na posibleng makadisgrasya sa sinumang tatamaan.

Maging ang paglipad ng mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay apektado rin kung saan ay magsasagawa ng re-routing ang Philippine Airlines (PAL) para sa kanilang international at overseas flight.

Ang paglulunsad ng North Korea ng rocket launch ay posibleng maging mitsa ng kaguluhan kaya ang nararapat na lamang nating gawing mga Pilipino sa ngayon ay magdasal upang walang maging masamang epekto ang gagawin ng nasabing bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply