Istayl bulok na pulitika

OO nga pala, halalan na ulit.

‘Yun bang para sa 2013.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit hindi magkandaugaga ang mga politiko sa pagpapakila sa sarili sa publiko.

Sa mga naglalayong maging senador o magpatuloy sa pagka-senador, kanya-kanya ang mga gimik.

PRO O ANTI CORONA

Isa sa mga tuntungan ng mga gustong magpatuloy na senador o magiging senador ang pag-iingay nila sa mainit na kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona.

May papabor kay Corona at mayroon namang kokontra.

Sa mga kokontra kay Corona at sa huli ay mako-convict si Corona, makasisiguro ba sila ng panalo?

Paano kung ma-acquit si Corona, mananalo kaya ang mga anti-Corona?

Ganito rin ang sa mga pumapabor kay Chief Justice.

Kung mako-convict si Corona, mananalo ba ang mga pro-Corona at kung maa-acquit ito, mananalo ba sila?

SUMPA O SWERTE SI CORONA

Tiyak na magiging sumpa o suwerte si Corona sa mga politikong sasakay sa kanyang kaso.

Kaya naman, bagama’t marami ang nagsisisakay rito, may nakahanda nang “excuse me” ang mga may malas na posisyon dito.

Ang malas ay nakatahi, mga Bro, sa paniniwala ng nakararami sa kaso.

Kung nakararami ang ayaw kay Corona at kumapit ang mga politiko kay Corona, maaaring malalaglag sila.

Kahit pa ma-acquit o mapawalang-sala ito.

Pero pupuwede ring magbago ang ihip ng hangin.

Dahil marami ang inaayawan na siyang nagtatagumpay sa huli.

Iba kasi ang labanan sa ground.

Malaki ang epekto ng sinasabing “yes” mayor o “yes governor” o “yes kongresman” at walang pakialam ang mga nasa ibaba sa nagaganap sa itaas.

MALAKAS ANG DINASTIYA

Malakas ang dinastiya o pagkakaroon ng mga magkakamag-anak na sabay-sabay na nakapuwesto o halinhinan sa paghawak sa puwesto.

Halimbawa, may naging mga Pangulo ng bansa na may anak o asawang senador, kongresman, mayor at iba pa.

Kung palaging nananalo ang mga ito at hindi gaanong natatalo at kung natatalo ay agad namang nakababangon sa susunod na halalan, malakas ang dinastiyang yan.

May mas malakas ito na tinatakbuhan at pinagkakanlungan ng mga politiko, maging ng mga senador para sila manalo.

Mas malakas na kabig sa boto ang maaasahan dito kaysa posisyon na anti o pro Corona.

Kaya tahimik ang iba at sa dinastiya sila umaasa.

DINASTIYANG NAWAWASAK

Pero may dinastiya ring nawawasak gaya ng sa mga Ampatuan.

Magkagayunman, hindi ganap na napipilay ang mga dinastiya.

May mga pruweba na ang mga dinastiyang nanghihina sa nasyonal ngunit malalakas sa lokal.

Kaya maaasahan pa rin ang mga ito ng mga politiko na nasyonal.

SIKAT NA MGA PANGALAN

Ang mga sikat na pangalan ay nakaugat sa dinastiya.

Maaaring ang dinastiya ay pambansa o panrehiyon o panlalawigan o pambayan.

Pero meron ding walang masasabing dinastiya at dito rin umaasa ang iba.

Halimbawa, may nananalo umanong mga senador dahil sa pangalan ng mga sikat at kinikilalang artista.

Hindi ko na babanggitin pa ito dahil alam na ng madlang pipol ang tinutukoy natin.

Si Fernando Poe Jr.,  nga ay totoong nadisgrasya niya umano si Aling Gloria.

Dinaya nga lamang daw siya kaya hindi siya nakaupo sa Palasyo.

At namatay na lamang ang mama sa sama ng loob.

PLATAPORMA AT PRINSIPYO

Nasaan ang plataporma o pruweba o prinsipyo ng pagiging tunay na lingkod bayan?

‘Yan ang tanong dahil madalas na nakalilimutan ito sa oras ng halalan.

May problema talaga tayo rito.

Bagama’t pinahahalagahan ito nang husto, madalas na may kapalpakan.

Ang masakit, lumalabas sa huli na pare-pareho pala ang mga politiko.

Sabi ng marami, wala namang pagbabago. Sa una lang meron pero sa huli, pare-pareho rin silang lahat.

‘Yun bang === ang mga pangako ay napapako.

O ningas-kugon lang ang nasasaksihan ng lahat.

Sa una lang maganda sa at sa huli, kabulukan din ng lahat.

KABALIGTARAN ANG NAGAGANAP

Mayroon pa ngang nagaganap na kabaligtaran ng mga plataporma at prinsipyo ang mga sumusunod makaraan ang mga halalan.

Ang ipinangakong pagbabago ay paurong pala at hindi pasulong.

Kaya naman todo sisi ang mga botante ngunit late na.

Kailangan nilang antayin ang susunod na halalan para mapalitan ang mga “umuurong” sa mga plataporma at prinsipyo.

HALALAN PINAGDUDUDAHAN

Pinagdududahan na tuloy maging ang halalan.

Oo nga at malaya “raw” tayong namimili ng ating mga leader, puro mga buwiset at bulok naman ang mga kumakandidato.

‘Yang magpayaman sa puwesto ang unang inaatupag ng mga kumag sa halip na paglingkuran nang todo.

‘Yang bumawi sa gastos sa halalan ang iniisip at ‘yang magkaroon ng malalaking ganansiya na magtitiyak ng pakuya-kuyakoy na kinabukasan ang kanilang pinangangarap at inaaksyunan.

Hoy mga politiko, ano ba ang meron kayo ngayong halalang 2013?

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply