Sa huling pagkakataon: Pinas kakapit sa ITLOS

MAGTATANGKA sa huling pagkakataon ang Pilipinas na hikayatin ang China na magkasamang idulog sa international court ang usapin hinggil sa pagmamay-ari sa Scarborough Shoal.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez, magpapadala ngayong linggo ang Pilipinas ng sulat sa pamahalaan ng China upang pormal na imbitahan ang Beijing na samahan ang Maynila sa pagdulog sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS).

Ani pa ni Hernandez, determinado ang Pilipinas na humanap ng diplomatikong solusyon sa isyu kaya tanging ang pagsasampa ng kaso sa ITLOS ang pinakamainam na paraan.

Sakaling hindi sumama ang China sa imbitasyon, mag-isang isasampa ng Pilipinas ang usapin sa pagmamay-ari sa kontrobersiyal na grupo ng mga islang hugis trianggulo sa nasabing korte.

Sinabi naman ni DFA Secretary Albert Del Rosario na suportado ng diplomatic community ang gagawing hakbang ng Pilipinas.

Aniya, nagpaabot ng pakikiisa ang mga ambassador ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas sa plano nitong idulog na sa ITLOS ang problema kaugnay sa pinagtatalunang West Philippine Sea para sa Pilipinas, samantalang Huangyan Island sa China.

Gayunpaman, tumanggi si Del Rosario na pangalanan kung sino-sino ang mga ambassador na nagbigay ng simpatiya sa Pilipinas.

Samantala, nanawagan naman ang China sa mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na huwag sumawsaw sa isyu.

Ipinagdiinan ni Chinese Foreign Ministry spokesman Liu Weimin na hindi makakatulong sa pagresolba sa isyu kung makikisali pa ang iba bansa sa usapin.

Kabilang sa mga bansang kasapi sa ASEAN ay ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply