K + 12 program ng DepEd tinabla ng senador

MALAKI ang paniniwala ni Sen. Antonio Trillanes IV na hindi makatutulong sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa ang pagpapatupad ng K + 12 progam ng Department of Education sa susunod na pasukan.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trillanes na mas lalo lamang lalala ang drop-out rate at tataas ang halaga ng edukasyon sa bansa sa ilalim ng programang Enhanced Kindergarten to Grade 12 (K to12) ng Department of Education (DepEd).

Nanindigan ang senador na ang K to 12 na ipatutupad ng DepEd simula sa darating na pasukan ay hindi praktikal na solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.

“Ngayong malala pa rin ang kakulangan ng mga silid-aralan at mga guro, bakit kinakailangang magpasimula pa ang DepEd ng isang programa na lalong magpapalala ng kondisyon ng mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon?” tanong ni Trillanes.

Ang programang ito ng DepEd ay hindi lamang nangangahulugan ng karagdagang gastos sa gobyerno kundi maging sa mga magulang na hirap nang makaagapay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, dagdag pa ng senador.

Hindi rin naniniwala ang senador na naturang programa ang magpapabuti sa kalidad ng edukasyon sa bansa at ang solusyon sa kawalan ng trabaho sa mga kabataan.

Ayon kay Trillanes, base sa kamakailang pag-aaral na ginawa ni former Education Deputy Minister Abraham Felipe at ni Dr. Carolina Porio, na “walang kaugnayan ang bilang ng taon ng pag-aaral sa pangkalahatang kalidad ng edukasyon.”

Ihinalimbawa ni Trillanes ang situwasyon sa mga bansa na may mahabang secondary level ng school cycle tulad ng South Africa, Chile, Botswana, Morocco at Saudi Arabia na pawang nabibilang sa mga low-performing high school students sa mundo.

Kaduda-dura rin umano ang argumento na ang isang 18-year-old na magtatapos sa ilalim ng programa ng K to 12 ay magiging “employable” kahit walang college degree.

“Batay sa statistics, hindi maaaring iugnay ang mataas na unemployment rate sa bansa lalo na mula sa youth sector sa maikling education cycle sa Pilipinas. Sa halip, mas makabubuti kung rebisahin na lamang ang kasalukuyang sistema ng ekonomiya at job generation policy ng pamahalaan,” paliwanag pa ni Trillanes.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply