Kahit maselyuhan ang final peace agreement sa MILF, ARMM ‘di mabubuwag

HINDI agad mabubuwag ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kahit malagdaan pa sa lalong madaling panahon ang final peace agreement sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang paglikha ng panibagong autonomous political entity kapalit ng ARMM ay nakapaloob sa 10 decision points na pinagkasunduan ng magkabilang panig.

Sinabi ni Government chief negotiator Marvic Leonen na hindi ganoon kabilis na magiging epektibo ang peace agreement dahil may  proseso pa itong dadaanan.

Aniya, kailangang maipasa ang isang batas at isasailalim din sa referendum ang pagkakabuwag ng ARMM na itinatag sa pamamagitan ng RA 9054.

Sinabi pa ng opisyal na ang naturang political identity ay papaloob sa batas ng Pilipinas at sa teritoryo ng bansa.

Hindi pa naman masabi ng opisyal kung maisasakatuparan ito bago o pagkatapos ng ARMM elections sa 2013.

Bukod dito, kabilang din sa talking points ang pagkilala sa Bangsamoro identity at mga lehitimong reklamo ng mga Bangsamoro people; pagpapatuloy ng negosasyon alinsunod sa konteksto ng mga napagkasunduang dokumento; ang bagong autonomous political entity ay magkakaroon ng ministerial powers; pagkakaroon ng transition period; power at wealth-sharing ng national government at ng bagong political entity; pagkakaroon ng wealth creation o pagkakakitaan ng rehiyon; pagpapalakas sa Sharia courts; pagtatag ng monitoring and evaluation mechanism at pagkilala sa mga umiiral na karapatan ng mamamayang nakapaloob sa batas.

Muling ipagpapatuloy ang peace talks sa May 12, 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply