Kapag media ay lumaban, paano na ang bayan

MASYADO nang mapangahas ang masasamang loob sa pambibiktima ng mga taga-Olongapo.

Nito lang Semana Santa, tumirada ang acetylene gang at nakatangay ng P1.5M halaga ng mga alahas.

Nauna rito ang mga holdapan sa mga jeepney, sa palengke, sa parke, etc. etc. etc.

Kung hindi naging maganda ang resulta ng handling ng pulisya sa hostage-taking nitong Abril 3-4, wala na tayong masasabing ginawang maganda ang kapulisan dito sa Olongapo buhat nang maging City Director si Sr. Supt. Christopher Tambungan.

Pero Ito Ang Totoo: dahil buhay na nailigtas ang dalawang kabataang babaeng hostage at nagupo at nadakip nang buhay ang hostage-taker makalipas ang may 12 oras, OK tayo diyan kay Sr. Supt. Tambungan.

Ang hindi Ok ay ang pananakit at pambabastos umano ni Tambungan sa isang local correspondent ng Pilipino Star Ngayon (PSN), si Randy Datu, sa naturang hostage
drama.

Sa liham na ipinadala kay Sr. Supt. Tambungan nina Jerry Sia Yap, pangulo ng National Press Club at Chair ng ALAM (Alab ng Mamamahayag) at Lawyer Bertini “Toto” Causing, pangulo ng ALAM at legal counsel ng National Press Club, pinagpapaliwanag si Sr. Supt. Tambungan sa loob ng tatlong araw bago ito sampahan ng mga kaukulang kaso.

Hindi ito ang una o pangalawang pagkakataon na umano’y nang-abuso ng media si Tambungan. Tingnan natin kung papaano niya ipaliliwanag ito.

Bukod sa usaping ito, marapat ding tingnan ang pangkalahatang kalagayan sa Peace & Order ng Olongapo buhat nang maging City Director si Tambungan.

Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, may holdup kaagad na naganap ilang metro lamang sa Police Station sa Magsaysay Drive.

Sinundan ito ng isang massacre na naganap halos kasabay ng itinagong umano’y engkwentro sa pagitan ng pulisya at snatchers, apat ang patay sa naturang mga insidente.

Sunod-sunod din ang mga holdapan, may patupada pa na nadadawit ang kapulisan, cash at bigas ang lagay sa hinalipak na buwaya, Lolong, sabi ng mga kapwa pulis niya.

Wala namang aasahang aksyon kay Mayor Bong Gordon dahil kaya umano niya inilagay si Tambungan bilang CD ng Olongapo ay bilang paghahanda sa darating na halalan.

Nanganganib kasi na mawala sa city hall ang mga Gordon dahil sa mga kabulastugang pinaggagagawa ng administrasyon ni Bong sa pangunguna ng pamangking si JLo.

Ito ang Totoo: kailangan ng malinaw na resulta sa usapin ng pangha-harass at pambabastos sa PSN correspondent dahil baka akalain ng mga pulis, meyor, gobernador, congressman at iba pa na ganun na lang iyon.

Kung walang mangyayari, darating ang panahon na kapag ang media ay minura, mumurahin din niya agad ang nagmura; kapag ang media ay sinapak, sasapakin din niya ora mismo ang nanapak sa kanya; at kapag ang media ay tinutukan ng baril, babarilin na niya ang hinalipak na uutas sa kanya, ora mismo kahit sino pa, mapa-pulis, meyor, gobernador, kongressman, negosyante, etc.

Ito Ang Totoo: may karapatan ang media na ipagtanggol ang sarili laban sa mga nananakit at banta sa kanyang buhay at seguridad. Sige, subukan niyo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebookhttp://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply