KAPRITSO NG LAMAN (Ika-75 na labas)

“KAYA pala ayaw na ni Tina na bumalik pa ng Taipei, dahil nagkakamabutihan na raw kayong dalawa. Is that true, Jude?” tanong pa ni Sally.

“H-Hindi totoo iyan! Best-friend ka ni Tina kaya bakit ka tataluhin? At bakit din kita ipagpapalit sa kanya ay mahal kita kaya ikaw ang pinili kong pakasalan? Kung hindi, siya na sana ang niligawan ko at pinakasalan. Hindi ikaw!” mabilis namang
sagot ni Jude.

Natigilan si Sally.

Gusto tuloy niyang isipin na gusto lang talagang sirain ni Edward ang pagsasama nila ng asawa.

“Kalimutan mo na ang sinabi ko sa ‘yo. Tsismis lang naman iyon at nagtitiwala ako sa iyo,” pagtatapos ni Sally sa usapan at pinindot na ang end call ng kanyang cellphone.

Lihim na kinilabutan ang una sa ginawang pagkompronta sa asawa.

Para bang ang linis niya at nagawa niyang usigin si Jude.

Dahil kung tutuusin, mas nauna pa siyang kumaliwa sa lalaki.

Bahagyang ipinilig niya ang ulo at hinarap na ang trabaho.

Dumarami na ang mga kostumer sa Jewelry store.

Samantala, pinagpapawisan ng malamig si Jude ma-tapos ang pag-uusap nila ng asawa.

Nagsinungaling siya kay Sally.

Tigas na tanggi niya na may relasyon sila ni Tina pero heto siya sa kanyang tabi at bagong paligo.

Naka-ready sa umaatikabo nilang salpukan sa kama.

Maya-maya’y biglang tumigas ang kanyang mukha.

Sino ba ang puwedeng magtsismis sa asawa ko na may ugnayan sila ni Tina kun-di ang pinsang si Edward.

Nakita nito sa bahay niya ang babae.

Dito nakatira.

At alam niya ang numero ng cellphone ng asawa na nasa Taipei.

Galit siya sa pinsan.

“Para naman siyang hindi lalaki. Tsismoso!” galit na sabi sa sarili ni Jude.

Bukas na bukas din, pupuntahan niya ang pinsan at kokomprontahin.

Hindi niya mapalalampas ang ginawa nito.

Ang dami niyang alam na kalokohan nito sa babae pero ni minsan ay hindi siya nagkuwento kahit kanino partikular sa misis nito.

Naputol ang malalim na pag-iisip ni Jude nang magsalita si Tina.

“Napapanis na ang beauty ko rito. May gagawin pa ba tayo o wala?” tanong niya.

Humawak sa batok si Jude.

“Nawala na ako sa mood dahil sa tawag ni Sally. Puwede bang bukas na lang?” sagot ng lalaki.

“Ano ba ang sinabi niya sa iyo at nawalan ka ng gana?” yamot na tanong ni Tina.

“May tumawag daw sa kanya at nagbalita na may relasyon tayong dalawa.”

Gulat na biglang napabangon ang babae.

“Sino naman ang gagong iyon?” tanong niya.

“Iisa lang ang kutob ko. Si Edward!”

“Tama! Maaring siya nga! Siya kasi ang napagbuksan ko nang pintuan nang pumunta siya rito at nagtanong pa kung ano ang ginagawa ko rito!” mabilis namang sabi ni Tina.

Hindi na umimik si Jude.

Masama ang loob na nahiga na sa kama.

Gusto na niyang matulog dahil bukas na bukas din ay pupuntahan niya ang pinsan para kausapin.

Padating ang umaga, palapit naman ang hapon sa Taiwan.

Sinundo na ni Jason si Sally sa pinapasukan.

Kapuna-puna ang kasiglahan ng binata.

Medyo matamlay naman ang babae.

“Napagod ka ba sa trabaho at parang nanghihina ka?” tanong ni Jason kay Sally habang nagbibiyahe sila pabalik sa tinutuluyan.

“Hindi naman masyado!” matipid na sagot ng babae.

“Pero bakit parang lowbatt ka?”

“Naiisip ko kasi si Tina at ang asawa ko. Hindi ako makapaniwala na sila na ngayon,” pailing-iling na sagot ni Sally.

“Sa halip na malungkot, dapat ka pa ngang matuwa sa nangyari. Hindi ka na masyadong masusumbatan ng mister mo sa pagpatol sa akin dahil mismong siya ay gumagawa rin ng kalokohan sa Pilipinas,” sabi ni Jason.

Biglang napatingin ang babae sa lalaki dahil sa kanyang sinabi.

“Sa tingin mo ba ay nakatutuwa ang nangyayari sa aming mag-asawa ngayon?” buwelta niya kay Jason.  Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply