KAPRITSO NG LAMAN (Ika-77 na labas)

“TINAWAGAN ako ni Sally. Pilit na tinatanong kung totoo ang ugnayan namin ng bestfriend niyang si Tina. Nagtataka ako kung paano nakarating sa kanya ang balita,” sabi ni Jude kay Edward.

“At ako ang suspek mo, pinsan? Ganun ba?” tanong ng huli sa una.

Kunwari ay tigas na pagkakaila ni Edward pero talagang tinawagan niya si Sally at ipinaalam ang relasyon nina Jude at Tina.

“Wala akong ibang puwedeng isipin kung sino ang nagpaabot ng balita kay Sally kundi ikaw. Nang maghatid ka ng padala sa akin ni Sally, nakita mo si Tina na nakatira sa bahay,” mabilis namang sagot ni Jude.

“Pero bakit ko naman gagawin iyon? Ano ang mapapala ko sa kanya kung sisiraan ko ang sarili kong pinsan?” tanggi pa rin ni Edward. “Nakasisiguro ka ba na ako lang ang nakakaalam ng sikreto ninyo? Wala na bang iba na puwedeng mag-leak ng impormasyon sa asawa mo?”

Hindi nakaimik si Jude.

Sa madalas na pagsasama nila ni Tina lalo na at sila ay nasa labas, imposible na walang kaibigan, kakilala o kapitbahay na makakita sa kanila.

Prime suspek niya ang pinsang si Edward pero hindi niya maiaalis na iba ang nagsabi sa asawa hinggil sa lihim na relasyon nila ni Tina.

“Kung sakali namang malaman ni Sally ang tungkol sa relasyon ninyo ng kanyang bestfriend? Ano ba ang dapat mong ikatakot ay pareho lang naman kayong dalawa?” patuloy ni Edward.

Biglang napatingin si Jude sa pinsan.

“Ano ang ibig mong sabihin? Gusto mo bang palabasing nanlalalaki si Sally sa Taipei?” kuno’t noong tanong ng huli.

Gulat na napamaang sa wala sa sarili na nasabi.

Paano pa siya magkakaila ay parang isda na nahuli siya ng pinsan sa sariling bibig?

No choice siya kundi sabihin na ang kanyang natuklasan.

“Sasama ang loob mo sa ipagtatapat ko na natuklasan ko sa Taipei pero magandang malaman mo na ang pinaggagawa ng asawa mo,” sabi ni Edward.

Natigilan si Jude.

Hindi niya gusto ang sasabihin ng pinsan.

Tiyak na ang lahat ng ito’y paninira lamang ni Edward.

Alam niyang may lihim na sama ng loob ang pinsan sa asawa.

Ang tagal na kasi niyang nanliligaw kay Sally noon pero kung ilang ulit na siyang na-basted.

Pero siya, minsan lang na niligawan ang babae ay madali niyang nakuha ang matamis nitong Oo.

“Pinsan, may kinakasamang lalaki ang asawa mo sa Taiwan at nagli-live-in na sila roon,” pormal na pagtatapat na ni Edward kay Jude.

Gimbal ang huli.

Hindi makapaniwala na magagawa siyang pagtaksilan ng asawa.”

“Jason ang pangalan ng lalaki ni Sally sa Taipei,” patuloy naman ng pinsan.

Biglang nanlambot si Jude sa natuklasan.

Ganito pala kasakit ang pakiramdam nang pinagtataksilan ng asawa.

At tiyak na ganito rin ang naramdaman ni Sally nang malamang pinatulan niya ang kaibigan nito na si Tina.

“Pareho lang naman kayo ng ginagawa ni Sally kaya tabla na kayo. Walang hinanakitan,” sabi pa ni Edward.

Biglang tumigas ang mukha ni Jude.

“Pumatol man ako sa ibang babae, walang mawawala sa akin. Pero sa ginawa sa akin ni Sally, tiyak na matatawag ako na isang pindeho at masakit sa akin ito.” Masama ang loob na sabi ng una.

“Tutal ay pareho na kayong may ibang minamahal, bakit pa kailangang ituloy ninyo ang inyong relasyon? Bakit hindi na lang kayo maghiwalay?” patuloy ni Edward.

“Hindi madaling makipaghiwalay sa isang asawa na legally married sa akin,” sagot naman ni Jude.

“Pero inaasahan mo pa ba na magbabalikan pa kayo ni Sally ngayong alam mo nang pareho na kayong may kinakasamang iba?” tanong ng pinsan kay Jude.

Hindi sumagot ang huli.

Nag-uulap ang mukha …

Nakabadha ang matinding problema.

“Ang mabuti pa, mag-inuman muna tayo. Madaling mag-isip ng solusyon sa problema kapag nakakainom,” sabi naman ni Edward at hangos na nagtungo sa kusina.

Nang bumalik, may dala ng apat na bote ng nagpa-pawis-pawis na bote ng beer at dalawang beer mug.

“Pinsan, mukha namang puwedeng kapalit ni Sally si Tina. Ano sa palagay mo?” tanong ni Edward nang muling umumpok kay Jude. ITUTULOY

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply