KAPRITSO NG LAMAN (Ika-78 na labas)

“BAKA hindi kayo ni Sally ang talagang magkapalaran. Dahil hindi kayo aabot sa ganitong sitwasyon kung kayong talaga ang para sa isa’t isa,” sabi pa ni Edward kay Jude.

Hindi umimik ang huli …

Panay ang tungga ng beer …

“Pinsan, alam mo ba ang number ng cellphone ng Jude na iyon?” maya-maya’y patanong na baling niya kay Edward.

“Hindi ko alam. Pero ang numero ng telepono sa condo na tinutuluyan nila, alam ko,” sagot naman nito.

“Puwede bang ibigay mo sa akin?” pakiusap ni Jude.

“Ano’ng gagawin mo? Guguluhin mo sila?” nakamaang na tanong ni Edward.

“Gusto ko siyang makausap ng lalaki sa lalaki. Tatanungin ko siya kung gaano niya kamahal ang aking asawa o ginagamit lang niyang palipasan. Marami na akong narinig na ganyang kaso. Nagsasama silang parang mag-asawa sa ibang bansa pero pag-uwi ay naghihiwalay na!”

Hindi kaagad nakaimik si Edward.

Dati kasi niya itong trabaho.

Noong nagtatrabaho rin siya sa Taiwan, may ibang babae siyang kinakasama.

Pero nang malapit nang matapos ang kanyang kontrata ay nakipaghiwalay na siya. Okey lang naman sa naging live-in partner niya dahil may lihim din siyang asawa.

Walang imik na dinukot ni Edward ang kanyang cellphone sa bulsa.

Pinindot hanggang sa lumabas ang phonebook …

Hinanap ang numero ng telepono ng condo unit na tinutuluyan nina Sally.

Nang makita, ibinigay niya kay Jude.

Itinala naman ito ng huli sa sariling phonebook.

Maya-maya’y nagpatuloy na ang kanilang inuman.

Mabilis ang pag-inom ng beer kaya hindi namalayan ng dalawa na nakakarami na pala sila.

Naging madaldal na si Jude.

“Okey naman si Tina. Napupunuan niya ang mga pangangailangan ko. Dahil sa kanya, sumaya ang buhay ko dahil sa pagkawala ni Sally,” aniya.

“So, okey na siya na maging kapalit ng asawa mo?” tanong naman ni Edward.

Hindi kaagad nakaimik si Jude.

Ka-match niya si Tina at okey na kapartner sa kama ang babae pero parang hindi siya handa para sa seryosong relasyon nilang dalawa.

Kasal kasi siya kay Sally at kahit ano’ng baligtad ang gawin niya sa mundo, ang babae ang kanyang asawa at may sinumpaan sila sa harap ng altar na magsasama sa hirap at ginhawa.

“Hindi pa ako handa para sa bagay na iyan. Bahala na when the time comes,” sagot niya kay Edward.

Halos maubos na ng dalawa ang isang kahong beer nang dumating ang misis ng pinsan na si Veron.

Kasama ang dalawa pang maliit na anak.

Anyong galing sila sa pagsa-shopping.

Kaagad sila nitong pinuna.

“Nakakarami na kayo, ah! Dito ka na ba matutulog, Jude? Mahirap nang magmaneho ka kapag lasing. Baka maaksidente ka,” sabi ni Veron.

“Kaya ko pang magmaneho. Uuwi ako sa bahay,” nakangiting sagot ni Jude.

“Pero mahirap na tiiman ka habang nagmamaneho. Tutal ay wala ka namang uuwian, dito ka na lang magpalipas ng gabi para kahit malasing ka ay walang problema,” sabi pa ng babae.

“Oo nga, pinsan. Dito ka na lang matulog para magkainuman tayo nang husto,” ayon naman ni Edward.

“Last bottle na ito, pinsan. Uuwi na ako. Wala na nga si Sally ay mawawala pa ako.

Kawawa naman ang bahay ko,” sagot naman ni Jude.

Hindi na nagsalita ang misis ni Veron.

Pumasok na sa kuwarto para magpalit ng damit.

“Naghihintay ba sa bahay mo si Tina?” tanong ni Edward kay Jude nang wala na ang asawa.

“Wala. Umuwi muna sa kanila!” sagot naman ng pinsan. “Pero gusto ko pa ring makauwi.

May plano akong gawin na ngayon ko lang maisasagawa.”

Hindi na nagtanong pa si Edward kung ano ang plano na sinasabi ni Jude.

Niyaya naman siya ng huli na mag-toast para sa kanilang huling tagay.

Matapos ito, tumayo na si Jude at nagpaalam sa pinsan. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply